BUHAY NA NAMAN sa telebisyon ang karakter ni Emilia Ardiente na sumikat sa teleseryeng Wild Flower ng ABS-CBN. Si Emilia ay ginampanan noon ni Aiko Melendez.
Muling ipinapalabas sa primetime block ng ABS-CBN ang teleserye bilang bahagi ng special programming ng TV network dahil sa COVID-19.
Sa isang post ni Aiko sa kanyang Facebook account kamakailan ay hindi niya napigilang magkomento sa nakitang larawan ng mga garbage truck na nagkakarga ng mga relief goods para sa mga residente ng Quezon City.
“Parang di ko na matiis to ahh.. Bakit naman po hinayaan ng barangay na ilagay ang relief goods nila sa truck ng basura? Para naman di makatao ang trato nyo sa mga constituents nyo.
“Kung ako ay taga-barangay, ipapasoli ko mga relief goods na yan dahil baka yan pa maging sanhi ng sakit. Dipa nga tapos ang mga problema sa QC dagdag nanaman to.
“My heart bleeds more now. Hindi porket mahirap, mahirap din ang pagtrato nyo po. Sino ba inaasahan nyo sa tuwing eleksyon hindi po ba sila?” post ng aktres.
Nang tanungin namin si Aiko thru Facebook Messenger kung nasa beast mode ba siya ala-Emilia Ardiente habang pino-post niya ito ang sagot niya, “Wala naman ako Kuya Leo sa beastmode.”
Dugtong niya, “Mine was just more of a sentiments. Naawa kasi ako and yung post about relief goods being in a truck ng basura tapos may denial sa barangay na di daw basura truck at cargo truck daw yon parang napaka- insensitive naman, di ba?” .
Ayon pa kay Aiko, ramdam niya ang sentimyento ng mga taga-Quezon City dahil isa rin siyang registered voter ng Quezon City at tax payer.
Samatala, habang naka-enhanced community quarantine ay ano ba ang ginagawa niya para matanggal ang bagot?
“Ngayong quarantine, Netflix, book reading, exercise ang ginagawa ko and bonding with my kids. I’m with my family.
“Si Vice Gov. Jay (Khonghun) ay nasa Zambales, sa kanyang mga constituents at ginagawa ang kanyang trabaho kaya LDR (long distance relationshio) kami now,” lahad niya sa amin.
Nagbigay din ng reaksyon ang award-winning actress sa muling pagpapalabas ng Wildflower na pinagbibidahan ni Maja Salvador.
“Masaya ako na bumalik ang Wildflower. Isa yan sa makakaaliw sa mga bahay-bahay ng mga tao habang lahat tayo ay naka-quarantine.”
Napapanood ang Wildflower pagkatapos ng On The Wings of Love sa ABS-CBN primetime.