MATAGAL-TAGAL NA RING akong nasa industriya ng recruitment. Isang asawa ng marino ang nagsampa ng claim laban sa amin dahil gusto n’yang makakuha ng kabayaran mula sa employer dahil sa pagkamatay ng kanyang asawa. Ngunit pilit naming ipinapaliwanag sa kanya na namatay ang kanyang asawa nang tapos na ang kontrata. Sa katunayan, na pre-terminate ang kontrata dahil sa pagkakasakit ng asawa niya. Ang alam ko sa ating batas, dapat munang patunayan ng pamilya ng marino na ang pagkamatay ng kanyang asawa ay naganap habang may kontrata pa at kung ang kanyang pagkakasakit o kamatayan ay may kinalaman sa kanyang trabaho. Sana po mailinaw n’yo ito sa iba pang OFW. —Regginald ng Malate, Maynila.
UNA MUNA, SINABI n’yo mismo na pre-terminated ang kontrata ng marino. Ang ibig sabihin, dahil sa kanyang pagkakasakit, tinapos n’yo agad ang bisa ng kontrata bago pa man abutin nito ang katapusan ng effectivity. May pananagutan pa rin ang employer sa pagkamatay ng marino. Kaya naudlot ang kanyang kontrata ay dahil sa pagkakasakit. May kinalaman sa trabaho o “work-related” ang kanyang sinapit. May katuwiran ang kamag-anak niya na makakuha ng claim.
Pangalawa, dati-rati’y kinakailangang patunayang work-related ang sakit o disgrasya ng worker bago makahabol sa employer. Dati-rati, tungkulin pa ng manggagawa na patunayan na tuwirang may kinalaman ang sakit o disgrasya niya sa kanyang ginagawang trabaho. Nabago na ang doktrinang ito. Ayon sa ating husgado, ipinagpapalagay na may kinalaman sa trabaho o “presumed work-related” ang sakit o disgrasya ng manggagawa. Nasa employer ang pananagutan na patunayang hindi work-related ang nasabing sakit o disgrasya.
Gayundin ang umiiral na batas sa mga OFW. Anuman ang mangyari sa OFW sa panahon na may kontrata siya ay ipagpapalagay na “work-related” iyon at makakakuha ng claim ang manggagawa o ang kanyang kamag-anak.
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo