O, ‘WAG tataas ang kilay n’yo. Ilang linggo na ang nakalipas, nagkita kami ni controversial Political Adviser Ronald Llamas sa isang book shop sa Mall of Asia. Malakas ang ulan. At dagsa ang tao sa loob ng mall. Appointment ko sa kanya ay 6:00 p.m., subalit dahil sa ulan at traffic, dumating ako ng alas-7. Matiyaga siyang naghintay habang nagbabasa at namimili ng mga lumang history books at nobela.
Matagal na kaming magkaibigan ni Ronald. Way back during martial law years. At Cory-Doy decade. Kilala ko siya bilang isang napakasimpleng nilalang, matulungin, makadukha at higit sa lahat, makabayan. ‘Di ko na matandaan kung ilang taon siyang nag-underground nu’ng martial law. Pero natatandaan ko na siya’y nakulong nang maraming taon at muntik nang sinawimpalad ang buhay sa tatlong ambush. Nu’ng height ng militant activism, nasa frontline siya. Matapang at matatag na pinagtatanggol ang kanyang paninindigan laban sa diktadurya, paglabag sa karapatang pantao at pang-aapi sa mga dukha. Maituturing natin siyang true-blooded Soc-Dem.
O, baka makunan tayo ng litrato rito. Baka akala, namimili ka na naman ng pirated DVD. Biro ko sa kanya na sinabayan niya ng halakhak. Sumagot siya: Palagay ko naman ‘di bawal bumili ng old history books at nobela. Mura kasi rito kaysa first class bookstores. Alam mo namang matipid tayo. Ilang saglit pa, niyakad niya akong mag-kape.
Kuwentuhan ng buhay-Malacañang. Mga intriga. Mga saksakan sa likod. Mga pataasan ng ihi. Payo ko sa kanya ay ‘wag intindihin ang mga bagay na ‘yan. Part of the territory. Mahalaga, focus siya sa paglilingkod kay P-Noy. Very trusted siya ng Pangulo. At ang mga pinagagawa sa kanyang back channeling jobs ay siya lang ang maaaring pagkatiwalaan.
Sa aking panig, sabi ko sa kanya: Nu’ng ako’y naglilingkod din kay Erap sa Malacañang, grabe rin ang naging karanasan ko. Araw-araw, binabatikos ako ng media. Sa loob ng Palasyo, hinahambalos ako ng intriga. Ngunit nagpakatatag ako sa paniniwala na una at huli, ang dapat kong paglingkuran ay ang bayan at ang Pangulo. Sa katotohanan, ang araw-araw kong dasal nu’n ay “Ama Namin, iligtas Mo po ako sa dilang masasama at lason ng mga naiinggit.”
Small bonding namin ni Ronald. Pagkatapos, nagkamayan kami at naghiwalay. Buong magdamag ‘di umalis sa aking isip ang kanyang alaala. Isang tunay na nilalang. Matapat na kaibigan. At ngayo’y nahaharap sa mabigat na hamon ng pag-lilingkod sa bayan.
SAMUT-SAMOT
DAPAT PAIGTINGIN ang pagpapatupad ng helmet sa mga motorcycle riders. Tinataya na halos sampung aksidente involving motorcycles ang nangyayari araw-araw sa Metro-Manila. Karamihan sa mga biktima ay binabawian ng buhay. Pagkalasing at ‘di pagsusuot ng tamang helmet ang dahilan. Tutukan ito na awtoridad. Usung-uso rin ngayon ang nagiging biktima ng ambush ng riding in tandem. Lahat sila halos ay hired killers na tumatanggap ng malalaking pabuya. Ingat kayo ‘pag may biglang tumabi sa inyong sasakyan na motorsiko baka kayo na ang sumunod na biktima.
SA ISANG pahayag kamakailan, tinagurian ni P-Noy na troublemaker si Minority Leader Danny Suarez. Sapul sa mukha ang kongresista. Kasi imbes na constructive legislation ang inaatupag niya, destructive action ang pinaplano niya sa Malacañang. Alam ng lahat kung kanino ang political leanings ni Suarez. Siya’y isang beteranong mambabatas at mahal na mahal ng kanyang mga constituents sa Quezon province. ‘Yun lang, iba yata ang agenda niya.
SA ISANG buwan, magkakaroon na naman ng International All-Breed Dog Show ang Asian Kennel Club Union of the Philippines, Inc. (AKCUPI) na gaganapin sa Tiendesitas sa Ortigas, Pasig City. Pitong breed groupings ang magpapakitang-gilas sa naturang event na tataon sa ikaapat na anibersaryo ng club. Itinatatag ang AKCUPI nu’ng Marso 30, 2008 sa gitna ng pamamayagpag ng isang mahigit 40 dekadang kalabang club. Sa kabila ng mga panliliit ng naturang kalaban, lumutang at sumikat ang AKCUPI sa tulong ng mga dog breeders at dog aficionados na naniniwala sa mga layunin at advocacies ng bagong club. Ang tagumpay ng AKCUPI sa loob ng maikling panahon ay mababakas sa mahigit 100,000 dog registrants mula sa Metro Manila at probinsiya.
LUBOS NAMANG nagpapasalamat si AKCUPI Chairman/President Henry G. Babiera sa kanyang mga kasamahan sa club at sa mga sponsors sa likod ng tagumpay ng club sa larangan ng purebred dog registration, dog shows at responsible dog ownership. Ayon kay Babiera, lubos pang paiigtingin ng club ang kanyang marketing campaign sa buong bansa upang lalong umusad ang AKCUPI at makapaglingkod pa sa maraming dog lovers na gustong makapagpalista ng kanilang mga alaga sa murang halaga at mabuting paglilingkod.
‘WAG NAMANG barya lang ang love offering natin sa Simbahan. Ang katumbas ng Diyos ay ‘di barya lang. Kung talagang susundin ang ating Katolikong pananampalataya, dapat magbigay tayo ng monthly tithing o 10 per cent ng ating gross earnings. Suportahan natin financially ang expenses ng ating parokya. Obligasyon ito sa Diyos.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez