KUNG DATI ay nasa pang-3 sa puwesto ang Pilipinas na may pinakamalubhang problema sa trapiko sa buong Asia, ngayon ay na sa 1st place na. Nakuha na natin ang kampeonato sa larangan ng matinding traffic sa kalsada. Kung dati ay ika-5 naman tayo sa buong mundo, ngayon ay nasa 3rd place na ang Pilipinas, ayon sa isang pag-aaral gamit ang traffic index. Ang bansang Egypt pa rin ang una sa listahan na sinundan naman ng South Africa. Sa ika- 4 na puwesto ay ang bansang Iran. Ang mga bansang Turkey, Russia, India, Brazil, at Argentina naman ang nasa ika-5 hanggang ika-10 puwesto.
Para sa isang regular na nagmamaneho ng pribadong sasakyan, kung dati ay hindi bababa sa 2 oras ang biyahe sa Muñoz-EDSA hanggang EDSA-Ayala tuwing rush hour, ngayon ay 3 oras na. 4-5 naman ang guguguling oras kung sasakay sa isang bus na humihinto sa maraming lugar sa kahabaan ng EDSA. Talaga namang maituturing na isang kalbaryo ng parusa ang pagbibiyahe sa Metro Manila araw-araw.
Kung tutuusin ay dapat sana’y diretso lang ang daloy ng trapiko sa kahabaaan ng EDSA dahil walang hintuan ang kalsadang ito kung babagtasin gamit ang mga fly-over at underpass ng EDSA. Ngunit bakit nga ba nagkakaipitan pa sa kabila nito? Dalawang dahilan lang ang malinaw na sagot dito. Ang sobrang dami ng sasakyan at hindi pagsunod ng mga driver sa batas-trapiko.
ANG MGA nagkakaipitan na parte sa EDSA ay kadalasang nasa entrada ng under pass o fly-over. Mga bus ang bumabara rito. Dahil dapat ay sa ibabaw ng mga underpass lang sila dadaan at nagpupumilit silang dumaan sa kaliwang bahagi ng kalsada at saka sila sasaksak sa entrada ng underpass para muling makabalik sa ibabaw. Ganito pa rin ang sitwasyon sa Cubao, Shaw Boulevard, at Ayala pagkatapos ng maraming solusyong iginugol ng MMDA at pamahalaan sa problema ng trapiko.
May mga drivers pa rin na pasaway sa pagpapalit-palit ng lane at pilit na sumisingit ang nagpapalala sa traffic sa lahat ng kalsada sa Metro Manila. Patuloy pa rin nilang binabale-wala ang mga traffic enforcers ng MMDA at maging ang mga Highway Patrol Group (HPG) na kadalasan ay nauuwi pa rin ito sa pananakit sa mga traffic enforcers ng mga mayayabang at matatapang na drivers.
Matapos ang ilang buwan ng pagbabalik ng mga HPG sa kalsada noong September para mangasiwa ng malalang traffic sa EDSA, tila lalo pang lumala ang traffic. Gaano nga ba kaepektibo ito? Hindi nga kaya naibalik ang mga pangambang muling magkakaroon ng mas malalang problema sa pangongotong ng mga HPG na naging talamak noong sila pa ang nangangasiwa sa traffic?
IPINAHAYAG NA ng HPG noon ang kanilang kahandaan sa pagsasaayos ng trapiko sa buong Metro Manila, ngunit tila wala na yata akong masyadong nakikitang HPG sa kahabaan ng 23.8-kilometer highway ng EDSA.
Mas naging malala rin ang traffic sa buong EDSA at iba pang lusutan gaya ng C5. Wala ring gamit ang mga Christmas Lanes dahil barado rin ang mga ito. Ang resulta ay walang galawang traffic sa kahit anong parte ng Metro Manila.
Inasahan natin noon na maiiba na nga ang takbo ng mga bagay-bagay para sa mga HPG na magbabalak na gumawa ng kalokohan at pangongotong. Ngunit tila marami pa ring motorista ang nagrereklamo na patuloy pa rin ang kotongan sa kalsada at mas lumaki pa ang bayad sa kotong dahil may mga HPG nang kahati sa kita.
ANG “30 second rule” ang isa sa mga measures na ipinangakong ipatutupad noon ng pamunuan ng PNP para matiyak na walang pagkakataong makapangotong ang HPG sa mga motorista. Hindi yata ito naipatupad at kung meron man ay naging ningas-kugon lamang sila sa simula kaya hindi ito naging epektibo. Ito pa rin ang nagpapatagal sa usapan sa pagitan ng driver at traffic officer. Nandito pa rin ang sistemang “paipit” kung saan ay mayroon nang nakahandang nakaipit na pera sa lisensiya ng driver.
Ipinagbabala nila noon na ang pag-bribe sa isang HPG officer ay criminal offense at ito ay may parusang pagkakakulong sa loob ng 6 to 12 years, sa kabila nito ay may suhulan pa rin sa pagitan ng mga lokong driver at corrupt na HPG. Ipinangako rin noon na magkakaroon ng “3 day” rotation sa mga HPG para maiwasan ang “familiarity”ng mga motorista sa nagbabantay na HPG, pero hindi ito nagagawa ayon sa isang reliable source ng TV5. Wala ring mga roving inspectors para mag-audit ng performance ng mga HPG personnel na isa rin sa mga ipinangakong measures para sa mga kotong na HPG.
Sana lang ay naging makatotohanan ang ipinangako ni Gunnacao na magiging mabilis ang pagtapos ng mga kasong may kinalaman sa pangongotong ng HPG at may malinaw na pagpaparusa sa mga mapapatunayang gumawa nang mali. Kung mayroong mga matatanggal sa trabaho dapat ay tiyak magaganap ito para maging babala at hindi sayangin ng mga HPG ang kanilang karangalan at trabaho kapalit ng ilang barya-barya lang.
ANG ODD-EVEN scheme sa Edsa ay isang solusyon na dapat na rin sigurong isagawa para mabawasan ang daloy ng mga sasakyan dito. Kaya lang ay tiyak na maraming mahihirapan na may iisang sasakyan lamang. Ngunit hindi naman kailangan talaga ng pribadong sasakyan sa EDSA kung maayos ang MRT. Dagdag pa ngayon ang mga bagong bisikleta na ipahihiram ng MMDA sa mga gustong mag-bike papunta sa kanilang trabaho.
Ang pagdami ng populasyon ng mga sasakyan ay bahagi ng pag-unlad ng ekonomiya. Kailangan lamang ng masusing urban planning para hindi maging mabigat na pasaning problema ang malubhang trapiko sa mga mamamayan.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Linggo, 1:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6843.
Shooting Range
Raffy Tulfo