NAKAUSAP NAMIN ANG discoverer at tumatayong co-manager ni Jhake Vargas kay German Moreno na si Tom Adrales, at ito ang nagkuwento sa isyung kinasasangkutan ngayon nina Jhake, Kuya Germs, at ang direktor ni Jhake sa First Time ng GMA-7, na si Direk Andoy Ranay.
Backgrounder muna: Some 2-3 years ago, may isang agent ang nagdala kay Jhake sa screening ng candidates ng Circle of 10 Image Model Search, isang pangkabataang search for promising boys and girls na puwedeng pumasok sa modeling, advertising, and showbiz, founded by Tom (at siya pa ring Executive Director nito until now).
At that time ay totoy na totoy pa si Jhake kaya hindi muna ipinasa ni Tom, pero nakitaan na niya ito ng potential dahil guwapito ang bagets. Since close si Tom kay Kuya Germs, nakuha ng una ang huli sa “pangungulit” na isama as host ng Walang Tulugan si Jhake.
Dumaan ang ilang panahon: Nakapasok si Jhake sa show ni Kuya Germs, hinasa ito sa pagkanta at pagsayaw, dinibelop, tinulungan financially ang pamilya (may colon cancer ang ina na nagka-taning na noon ang buhay, pero surviving pa rin until now), etc.
Hanggang sa finally ay nabigyan na ng break ng GMA si Jhake – dumating ang “blessing” na maka-triangle siya nina Joshua Dionisio at Barbie Forteza via First Time na naging matagumpay sa teens and tweens sa mataas nitong ratings.
KUNG BAKIT NAMAN kung kelan matatapos ang First Time, eh saka naman sumabog ang chikang sinigawan at minura pa raw diumano ni Direk Andoy si Jhake sa taping, at may “malaswang salita” pa umano ang narinig sa bibig ng direktor.
Ito ay dahil hindi umano nito makuha ang acting na gustong makita ng direktor sa bagets actor. “Baguhan pa lang ‘yung bata at ngarag dahil sa puyatan sila sa taping,” sabi ni Tom.
Ayon kay Tom, ang sey raw ni Direk Andoy kay Jhake: “P___ ina mo, nagpa-ch__a ka na naman siguro kagabi!”
Hindi namin masulat ang Tagalog term na ‘yun, dahil minor ang concerned dito. Masyadong personal, basta’t may kinalaman sa sex.
Nakarating ito sa kaaalaman ni Kuya Germs (at sa ama nito) at galit na galit na sumugod ang beteranong TV host at kinumpronta si Direk sa set.
“Ganyan ba kayo magtrato ng mga artista n’yo? Ganyan ba kayong mga direktor sa kabila?” or words to that effect na talak daw ni Kuya Germs kay Direk Andoy, na galing sa ABS-CBN.
“Hindi makakibo si Direk Andoy. Pinahiya niya ang isang minor (16 years old) sa harap ng maraming tao. Grabe ang galit ni Kuya Germs!
“Nakipag-set ng meeting ang GMA management sa kanya a few days after with Kuya Germs at tatay nito, pero hindi sumipot si Direk Andoy,” impormasyon ni Tom.
Idinagdag pa ni Tom na kinakausap na raw nila ng kanilang abogado kung anong kaso ang maaari nilang maisampa laban sa direktor sa ginawa nito diumano sa menor de edad na newcomer.
Wala kaming number ni Direk Andoy kung kaya’t nag-iwan na lang kami ng mensahe sa kanyang Facebook account upang makuha ang kanyang panig:
“Mell T. Navarro May 26 at 12:33pm wanna get ur side sana of the kuya germs-jhake issue pls, pagsugod niiya sa set, di mo pagsipot sa mtng with the execs, and supposedly pagdemanda raw sa u ng child abuse? pls reply kapatid tnx”
Sagot ni Direk Andoy:
“Randolph L. Ranay May 27 at 11:38am kapatid, I just want to be silent about everything. Thank you for your concern. :-)”
NGAYONG SABADO NG gabi, May 29, sa unang pagkakataon ay magpe-perform sa isang malaking concert ang sikat na Korean boyband group na U-Kiss sa Pilipinas!
Sa fans ng U-Kiss, sugod na sa Araneta Coliseum dahil doon gaganapin ang U-KISS: 1st Kiss Tour in Manila na nabuo dahil sa napakaraming requests from Pinay fans na mag-concert nga rito sa bansa na “baliw na baliw” sa kaguwapuhan at husay ng grupo sa paghataw ng sayaw at kanta.
Nakipag-collaborate ang Premiere Entertainment Philippines, Inc. (PEP), isang entertainment firm, sa NH Entertainment Media Group Company Ltd., a Korean firm, upang iproduce nga ang nasabing big concert, pagkatapos ng mall tours nila. Inaasahan ng producers na magke-create ito ng 30M revenues.
Kung fan ka ng U-Kiss, hindi dapat palagpasin ang Big Dome concert nila, huh, dahil bihirang mangyari ito sa bansa. Tickets available at the gate.
Mellow Thoughts
by Mell Navarro