SA ILALIM ng umiiral na demokrasya sa bansang Pilipinas, sino nga ba ang maaaring kumandidato para sa pagka-pangulo ng bansa? Simple lang kung tutuusin ang kailangan para maging kwalipikado sa pagka-presidente ng Pilipinas. Kailangan lang ay pasok sa tamang bilang ng paninirahan sa Pilipinas bago ang eleksyon; isang “natural born” Filipino o ipinanganak na ang magulang ay parehong Pilipino; marunong magbasa at sumulat.
Sobrang simple nga sa paningin ng marami ang mga kwalipikasyong kailangan para kumandidato sa pagka-pangulo. Malayo ang mga kwalipikasyong hinihingi para sa taong nais maging presidente ng isang kumpanya kung ipagkukumpara ang dalawa.
Maging ang kwalipikasyon para sa posisyong klerikal lamang ay naghahanap ng mas mabigat na academic credentials gaya ng diploma sa kolehiyo. Tila mas mahirap pa nga yata ang kwalipikasyong hinihingi para makapasok bilang janitor sa isang opisina dahil kinakailangan ang makatapos ng elementarya o high school man lang.
Bakit nga ba walang kasing simple ang hinihinging kwalipikasyon sa pagkapresidente ng Pilipinas? Ito ay dahil sa mga batayang itinakda ng ating Saligang Batas na nagpapatotoo sa kahulugan ng demokrasya sa Pilipinas. Ang malaking bahagi ng demokrasyang ito ay ang karapatan ng isang taong makaboto sa eleksyon at lumahok dito bilang kandidato.
MINSAN, HINDI rin positibo lahat ng maaaring ibunga ng sistemang demokrasya. Maraming tao kasi ang umaabuso sa pagkademokrasya ng ating bansa. Ang isang magandang halimbawa nito ay ang nangyayaring mala-piyesta sa Commission on Election (COMELEC) tuwing sasapit ang pagsumite ng certificate of candidacy (COC) ng mga personalidad na naglalayon tumakbo sa isang public office. Tinawag ko itong mala-piyesta dahil tila mas kaabang-abang pa ang mga tinaguriang nuisance candidate para sa mga local at maging international media.
Kapansin-pansin ang tila isang uri na ng panglilibak sa ating sistemang pulitikal ang paglalathala pa sa TV ng mga taong nagsumite ng COC na mahahalatang may sakit sa pag-iisip. Ginagawa na itong isang palabas na katawa-tawa sa mata ng maraming tao sa ating bansa at maging sa buong mundo. Ito nga ba ang mga Pilipinong kakandidatong pagka-pangulo, pangalawang pangulo, senador, at kongresista? Mga may sira ang ulo at hibang? Nakalulungkot din na ginagamit ang ganitong pagkakataon para libakin ang COMELEC at pamahalaan.
Hindi pa naman pinal ang listahan ng mga kandidato pagkasumite ng mga COC sa COMELEC. Sisiyasatin pa ang mga ito kung may kakayahan nga ba talaga ang taong tamakbo sa isang public office. Malaking salik din dito siyempre ang pinansyal na aspeto. Para sa COMELEC, ang malayang makapagsumite ng COC ng kahit sinong tao, matino man ang isip o hindi ay simbulo lamang na buhay ang demokrasya sa Pilipinas. Sila ang mga kandidato ng demokrasya.
ANG PAGKAKAPANTAY-PANTAY rin ng oportunidad ng mga kandidato ay binabantayan at ginagarantiyahan ng demokrasya sa ating bansa. Ang mayayaman na kandidato ay hindi maaaring magkaraoon ng mas malaking oportunidad para manalo sa eleksyon. Kaya naman nililimitahan ng COMELEC ang halaga ng maaaring gastusin ng isang kandidato tuwing panahon ng eleksyon.
Ang sino mang lalabag dito ay may parusang diskwalipikasyon o pagkatanggal sa puwesto. Ganito ang sinapit ni Governor ER Ejercito ng Laguna. Pagkatapos mapatunayang gumastos siya ng labis sa itinakda ng COMELEC, pinababa siya ng COMELEC sa puwesto bilang diskwalipikadong gobernador ng Laguna.
Kaya lang ay sadyang may pinipiling pag-initan lamang ang gobyernong Aquino sa kung sino ang kakasuhan ng COMELEC. Hindi kasi kapani-paniwala na si Governor ER Ejercito lamang ang lumabis sa gastusin noong nakaraang eleksyon. Sapat na ang dami ng mga election campaign advertisement ng maraming kandidato sa pagka-senador, pangalawang pangulo, at pangulo para masabing lumabis din sila sa itinakda ng COMELEC na limitasyon ng paggastos.
Ngayon pa lang na hindi pa man nagsisimula ang panahon ng kampanya ay mapapanood na natin ang mga political advertisement. Dapat siguro ay gawan ng paraan ng COMELEC ito dahil halatang pinapaikutan lamang ng mga kandidatong ito ang batas.
HINDI RIN naman mapang-unawa ang demokrasya sa Pilipinas para sa pananaw ni Grace Poe na kwestiyonable ang pagka-Pilipino. Para kasi sa mga kalaban niya sa pulitika, hindi siya kwalipikado dahil sa hindi raw niya kayang patunayan ang kanyang pagiging natural born Filipino. Susog pa ng isang mahistrado sa Korte Suprema, hindi “natural born”Filipino si Grace Poe, bagkus ay “naturalized” Filipino lamang. Ang problema rito ay isang “natural born” Filipino lamang ang maaaring kumandidato sa pagka-pangulo ayon sa ating Konstitusyon.
Sa ilalim ng 1987 Constitution ang pagka-Pilipino ng ilang tao ay base sa panahong sila ay isinilang na saklaw pa ng Saligang Batas noong 1935. Sa kaso ni Grace Poe, kailangang mapatunayan niya na ang mga biological parents niya ay tunay na mga Pilipino o natural born Filipino, kung saan ang mga magulang nila ay dapat parehong Pilipino. Dahil natagpuan lamang si Grace Poe noong siya ay sanggol pa sa simbahan at hindi na natukoy pa ang biological parents niya, ang pag-aampon sa kanya ng kanyang mga magulang ay naggagawad lamang ng estadong “naturalized” Filipino.
Ngunit ito nga ba ay lehitimong isyung pulitikal at moral laban kay Grace Poe? Para sa akin ay mayroon pang mas malalim na isyu rito. Ito ay ang isyu ng pagiging makabayan.
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30-5:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo