NOONG NAKARAAN lamang, ang aking artikulo ay tungkol sa pagpaparehistro upang makaboto sa Halalan 2016. Mga bagets, sana kayo ay humahanap na ng oras upang makapagparehistro dahil ang bawat boto ay mahalaga. Kahit sabihin mo pa na isa lang naman ang boto mo, walang magagawang pagbabago iyan… isipin mo na lang, hindi lang ikaw ang nag-iisang may pag-iisip na ganyan. Kaya kung pagsasama-samahin kayo, marami rin ‘yan! Makagagawa ng pagbabago ang mga boto ninyo. At dahil napag-usapan na natin ang boto, sa darating na eleksyon, kanino nga ba ang boto mo?
Isang makabuluhan, maingay, usap-usapan ang linggo ng Oktubre na ito. Bakit? Dahil ang linggo na ito ay ang linggo ng paghain ng certificate of candidacy (CoC)ng mga Pilipinong gustong manilbihan sa bayan. Binibigyan sila ng isang linggo, mula Oktubre 12 hanggang Oktubre 16 upang mag-file ng CoC.
Sa unang araw pa lamang, alam n’yo bang may 22 katao ang naghain ng kanilang certificate of candidacy sa pagka-pangulo? Hindi naman sa minamaliit ko ang iba, pero iisa nga lang ang kilala ng lahat sa 22 na tatakbo. Isipin n’yo na lang, unang araw pa lamang ito. Paano pa sa mga susunod na araw? Hindi na bago ito. Dahil kada eleksyon, marami talaga ang nangti-trip-trip lang. May isa pa ngang tricycle driver sa nag-file ng CoC. Kung ang iba ay binabatikos ang nasabing driver dahil sa pagdududa sa kanyang kakayanan, nakikita ko ito bilang ganito na talaga kadesperado ang mga Pinoy sa pagbabago.
Nakatatawang isipin na ang qualifications na hinihingi ng employers sa mga fresh graduates para makuha nila ang posisyon na inaasam-asam, karamihan pa riyan ay entry level, mas mataas pa sa qualifications bilang pangulo ng bansa. Sapat na ang edad na 40, nakapagsusulat at nakababasa, Pilipino, at residente ng bansa nang 10 taon.
Marami pang eksenang naganap sa unang araw pa lamang ng pag-file ng certificate of candidacy. Nariyan ang walang kamatayang dynasty sa bansa. Na matapos ang termino ni tatay, papalit si asawa. Sa mga ibang puwesto, susubok tumakbo si panganay, at si bunso tatakbo rin sa mababang posisyon, tapos iisang lugar lang! Ang masasabi ko lang? Masyado nilang mahal ang bayan. Sana lang maramdaman ito ng mga botante kapag sila ay nahalal.
Hindi rin mawawala ang mga artista na susubok ng ibang karera, at ito ay ang pulitika. Kaya kapag filing of candidacy, red carpet level ang ganap!
Pero may isang nakatawag sa aking pansin sa naganap na unang araw ng pag-file ng CoC, at ito ay ang paghain ng candidacy ng isang tao dahil gusto niyang maglingkod sa kanyang kapwa, pero siya ay na-disqualify dahil hindi pa siya registered voter sa nasabing lugar. Ano nga ba ang lesson sa kuwentong ito? Step by step lang ho. Pag-isipan ang bawat hakbang na gagawin. Maging mabuting botante muna bago mag-asam ng pwesto sa gobyerno. Sabi nga sa kasabihan sa Ingles, “a good leader is a good follower”.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo