Kanino Ibibigay ang Piyansa?

Dear Atty. Acosta,

ISA PO akong seaman at naglalayag papuntang Australia. Ask ko lang po regarding sa bail o piyansa. Nakakulong po kasi ang pamangkin kong babae sa kasong pagdadala ng Marijuana. Sabi sa amin ng PAO ay maaari raw mag-bail ang pamangkin ko. Kanino po ba namin ibibigay ito, sa judge, sa fiscal na may hawak ng kaso o sa PAO lawyer?

Peter

 

Dear Peter,

UNA SA lahat, ang bail o piyansa ay inilalagak para sa pansamantalang kalayaan ng taong nasa ilalim ng kustodiya ng batas at para masigurong siya ay dadalo sa paglilitis ng kasong kriminal na isinampa laban sa kanya. Ito ay maaaring ilagak sa pamamagitan ng pagdedeposito sa korte ng halagang itinakda nito o ng taga-usig sa demanda. Maaari rin itong maisakatuparan sa pamamagitan ng Surety Bond, Property Bond o Recognizance (Sec. 1 Rule 114, Revised Rules of Court of the Philippines).

Hinggil naman sa iyong katanungan, ang piyansa ay maaaring ilagak sa korte kung saan nakabinbin ang kasong kriminal. Kung wala ang judge o hukom ng nasabing korte, ito ay maaaring ilagak sa sino mang hukom o judge ng Regional Trial Court, Metropolitan Trial Court, Municipal Trial Court o Municipal Circuit Trial Court ng probinsya, lungsod o munisipalidad. Kung ang akusado ay naaresto sa lugar maliban kung saan nakabinbin ang kaso, ang piyansa ay maaaring ilagak sa hukom o judge ng Regional Trial Court na nakakasakop sa nasabing lugar at kung walang hukom o judge na makukuha, maaari itong ilagak sa hukom ng Metropolitan Trial Court, Municipal Trial Court o Municipal Circuit Trial Court ng nasabing lugar (Sec. 17 (a), Rule 114, Revised Rules of Court of the Philippines).

Kung ang inirekomendang piyansa ay lubhang malaki kumpara sa kakayahang pampinansyal ng iyong pamangkin, maaari niyang hilingin sa korte na ito ay babaan. Kapag ito ay pinahintulutan ng korte, maaari na siyang maglagak ng piyansa nang mas mababa sa itinakda. Sa sandaling ang piyansa ay mailagak na, maglalabas ng kautusan ang korte para sa pansamantalang pagpapalaya sa iyong pamangkin.

Isa sa mga kondisyon ng piyansa o bail ay dapat dumalo ang iyong pamangkin sa mga pagdinig sa korte patungkol sa kanyang kasong kriminal, kung ang kanyang presensiya ay kailangan ng korte. Kung siya ay hindi nakadalo at ito ay walang sapat at makatarungang kadahilanan, maaaring ipag-uutos ng korte na ipagpatuloy ang pagdinig sa kaso sa kabila ng kanyang hindi pagsipot dito. Ito ang tinatawag na trial in absentia. (Par (c), Sec. 2, Rule 114, Revised Rules of Court of the Philippines).

Nawa ay naliwanagan ka sa opinyon naming ito.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleKuliglig
Next articleAbsuwelto Ang Taxi Driver Na Tumanggi Ng Pasahero!

No posts to display