UNANG araw pa lang ng September ay maririnig na agad sa ‘Pinas ang mga Christmas songs. Tayo kasi ang may pinakamahabang selebrasyon ng Pasko – four months – from September to December.
Pero this year, parang mas na-excite, nasabik at nabigyan ng deeper meaning and appreciation ng mga Pinoy ang mga kantang Pamasko na naririnig natin sa airwaves. Iba yung joy. Ewan ko ba, pero dahil siguro yon sa pinagdadanang pandemya ng buong mundo at sa halos kalahating taon na tayong naka-quarantine dahil sa covid-19.
Anyway, katulad ng mga sikat na Christmas songs nina Jose Mari Chan, Ariel Rivera, Mariah Carey at iba pang singers, may kuwento rin ang kantang Diwa ng Pasko na ngayon lang ire-release ng Revival King na si Jojo Mendrez.
Jojo started his singing career taong 1993 nang i-remake niya ang kanta ng Apo Hiking Society na Tuyo Na’ng Damdamin.
Kuwento ni Jojo, “I was the first to do the re-make before Sharon Cuneta did her version. So that time I was looking for some original songs at noon ko nakilala si Andrei Dionisio.
“He helped me to finish my song Basta Ikaw na original song ko dati na ni-remake ko recently. We became friends. Marami siyang ginawang kanta para sa akin na binili ko sa kanya.”
“Until one day I told him na gusto ko ng Christmas song. Sabi niya igagawa niya ako. Andrei Dionisio is a religious person. Madasalin siya at di ko alam na noon ay may diabetes na siya. Few days after, nagkita kami at personally ibinigay niya ang song na Diwa ng Pasko.
“Siya ang nagdemo ng kanta para may guide ako. Sabi nya sa akin, ‘ginawa ko ang kantang yan para sayo.’ I bought the song for P5,000. In-arrange niya ang song ng maganda at nag-recording kami sa Greenhills Sounds Studio.
Binantayan niya ako hanggang matapos ko ang pag-record ng kanta. Tuwang-tuwa siya dahil maganda ang kinalabasan ng Diwa Ng Pasko. Siya na ang nag-mix at nag-master ng song at inilagay namin sa DAT (yan ang ginagamit dati to preserve the master copy of the song) kasi sa open reel nada-damage ang song.
“After I have the master copy hindi na kami nagkita dahil ni-launch na that time ang first album ko released by Ivory Records sa GMA Supoershow ni German Moreno,” patuloy na kuwento ni Jojo kung paano nabuo ang kantang Diwa ng Pasko
Aminado si Jojo na hindi naging madali ang ginawang pagsabak niya noon sa music industry iniwan niya ang pagkanta.
“Nahirapan ako sa singing career ko dati kasi nanggaling pa ako sa Lucena City para mag-guest at kumanta sa Manila. Kaya yung plano kong Xmas album dati ay di natuloy mabuo. Iniwan ko ang pagkanta at nag-focus ako sa business ng parents ko at real estate business ko,” lahad pa niya.
Dugtong niya, “Then one day, several years after, naisip ko si Andrei Dionisio at hinanap ko siya para kumustahin at sabihin sa kanya na gagawin ko na ang Xmas album ko. Doon ko nalaman na wala na siya. Nabulag pala siya because of his diabetes at namatay.
“Sobrang lungkot ko at nag-flashback ang memories na magkasama kaming ginagawa namin ang Diwa ng Pasko. 2014 inisip ko ulit na ituloy ang Xmas album ko at hinanap ko ang file ng Diwa Ng Pasko pero hindi ko na makita.
“Then 2016 pag open ko ng mga old things ko sa stock room may nakita akong box at don ko nakita ang DAT file ng kanta. Ang problema bihira na ang may old equipment for DAT kaya hindi mabuksan at ma-retrieve ang file.
“Buti na lang tinulungan ako ni Angie Rozul at ng isang well known composer na may DAT player kaya nakuha ko ang file ko ng Diwa Ng Pasko. Nang pinakinggan namin ang master copy ng kanta ay kailangan na talagang ulitin at gawin ang arrangement sa makabagong panahon.”
Taong 2016 or 2017 nang gawan ng bagong arrangement ni Marvin Querido ang Diwa ng Pasko na ngayong 2020 lang inilabas kung saan nasa panahon tayo ng pandemya.