HINDI ginawa ni Darren Espanto ang kantang Sasagipin Kita para sa dinaranas na COVID-19 crisis ng Pilipinas. Pero dahil sa pinagdadaanang pandemic health crisis ng buong mundo ay tila umakma ito sa kasuluyang sitwasyon ng mga Pilipino.
Very inspiring at nagbibigay ng pag-asa ang lyrics ng kanta na kailangang-kailangan ng ating mga kababayan ngayon.
Ani Darren, “Sasagipin Kita is one of my original compositions and I wrote it po talaga kasi gusto ko pong… Pinangarap ko po talaga yung kantang yon na maging parte siya ng isang telserye.
“That’s one of the inspirations kung bakit ko po yon sinulat. Gusto ko pong magkaroon ng kanta na after people hear it will give a bit of inspiration and hope din sa dami ng pinagdadaanan natin.”
Laman ng mensahe ng Sasagipin Kita na kung dumating ang bagyo sa ating buhay ay kailangan lang kumapit at manalig dahil siguadong darating ang liwanag.
Pansinin ang lyrics:
“Sasagipin kita sa gitna ng bagyo
“Ililigtas kita sa madilim na mundo
“Kapit lang, ooh
“Kapit lang
“Sa panahon na lumilipas
“Darating din ang liwanag
“Babangon sa kabiguan
“Lumaban lang, manalig lang”
Natupad naman ang pangarap ni Darren nang gamitin ng ABS-CBN primetime series na A Soldier’s Heart ang komposisyon niyang Sasagipin Kita.
“Sobrang nagulat ako. Sobrang hindi ko po in-expect na mapi-pick-up po ng A Soldier’s Heart yung song,” reaksyon pa ng singer-actor.
Samantala, aminado si Darren na talagang naapektuhan ng COVID-19 ang kanyang trabaho pati na rin ang kanyang income.
“Marami pong na-cancel na out of the country events, mga shows and kahit naman dito ganun din po. Yung iba na-move to a later date. But I feel like it’s safer for everyone na mag-stay lang talaga at home dahil para sa ikakabuti naman po nating lahat yon,” deklara pa niya.