MATATANDAAN NOONG nakaraang pagdiriwang ng EDSA revolution, trending sa social media ang hashtag #EDSAtraffic. Ito ay dahil naging ubod ng bagal ang pag-usad ng mga sasakyan. Sinara kasi ang EDSA nang araw na ito. Kaya naman traffic kahit saan, hashtag may forever. At ‘yan ang traffic sa bansa. Pero may isang app na laking tulong para sa mga nagmamaneho, ito ang Waze app. Ito na lang siguro ang makakapitan mo sa araw-araw na traffic dito sa Pilipinas. Ano nga ba ang Waze app?
Ang Waze app ay isang GPS based geographical navigation application program para sa mga Smartphones na may GPS Support at Display Screen kung saan nagbibigay ito ng impormasyon sa mga driver kapag nasa biyahe kung saan ang maaaring ruta ang puwede nilang daanan para iwas-traffic. Itong app na ito ay nagmula pa noong 2008 at dinebelop ni Uri Levine, Ehud Shabtai na isang Software Engineer at ni Amir Shinar sa Israel at in-acquire ng Google taong 2013. Ito ay hinirang na Best Overall Mobile App Award sa 2013 Mobile World Congress, kung saan tinalo nitong App na ito ang Dropbox, Flipboard, at iba pa. Ang ibang companies, isa na rin ang Facebook ay interesadong bilhin ang Waze ngunit ‘di nila naabot ang agreements nito kaya binili naman ng Google ang Waze noong June 2013 sa halagang $1.1 billion at dinagdagan ng social data aspects para sa mapping business nito.
Paano nga ba gamitin ang Waze app? Simple lamang, i-download ang Waze app na available sa iPhone at Android, at kung ikaw naman ay bibiyahe na papunta na sa inyong pupuntahan o destinasyon, ibibigay ng Waze app na ito ang iba’t ibang ruta o daanan na puwede nating pagpilian. Nagbibigay rin ito ng impormasyon kung ilang oras ang biyahe patungo sa ating pupuntahan, Hindi lang iba’t ibang ruta ang ipinapakita nito, ipinapakita rin nito kung mabigat ba ang biyahe o trapik at kung may naaksidente sa lugar na ating daraanan. Para sa bagong users ng Waze, may ilang icon doon na ating dapat tandaan upang maging pamilyar. Ilan sa mga icon dito ay icon na ipinapakita ang mga kapwa-Wazer sa daan, icon na nagpapakita ng mabibigat na daloy ng trapiko, at icon na nangangahulugan na may nangyaring aksidente, at meron ding icon doon na nagpapakita kung ang daraanana natin ay nakasarado o may ginagawang konstruksyon, at icon na police na maaari tayong magtanong at humingi ng tulong.
Malaking tulong ang Waze app sa bawat driver dahil sa magagandang features nito. Ang mga impormasyon na nakakalap ng Waze app ay talagang magagamit kapag tayo ay nagmamaneho o may pupuntahan. Ito rin ay naging daan upang makaiwas tayo sa traffic. Kaya sa mga nagmamaneho riyan, ano pang hinihintay n’yo? I-download na ang Waze sa inyong Smartphones. Tara nang mag-Waze para iwas-traffic na, lagi pang on time sa ating pupuntahan.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo