NARANASAN MO na ba ang biglang pag-slow motion ng iyong mga nasa paligid kapag napapadaan siya? O kaya naman ‘di makatulog sa gabi kaiisip sa kanyang matatamis na ngiti? O kaya ang pagbilis ng tibok ng puso kapag kinakausap ka niya? Could it be magic? Yes, iyan na nga ang sparks na ating tinatawag!
Kay daming nai-in love, pero balita ko mas maraming nasasaktan. Ganoon ba talaga ang sparks? Nawawala na lang basta-basta?
“She had me at my worst. You had me at my best. And you chose to break my heart.” Pamilyar ba ang linyang ito? Nakare-relate ka ba dahil napanood mo? O nakare-relate ka dahil na-experience mo?
“O kay bilis namang maglaho ng pag-ibig mo sinta. Daig mo pa ang isang kisap-mata”. Alam mo ba kung saang kanta ito? O baka naman theme song ito ng buhay mo.
Pagsisikreto, kakulangan sa oras, gastusin, problema sa sarili, selos, third party… ilan sa mga kadalasang nagiging dahilan sa pagkawala ng sparks sa dalawang bagets na nagmamahalan.
Para sa taong nagsawa na sa kanyang minamahal, para sa taong biglaang nawalan ng sparks at para sa taong gustong makipag-break kahit hindi ma-explain ang dahilan, ito ang mga katagang kanyang ginagamit: “It’s not you, it’s me.” Kapag sinabihan ka nang ganito, set her free. But before that, mag-usap kayong dalawa. Never let go with unfinished business kasi mas mahihirapan kang mag-move on kapag wala pang closure ang relasyon.
Mayroon din namang akala mo kayo na talaga para sa isa’t isa. Iyong tila ‘di na kayo mapaghihiwalay. Then suddenly paggising niya, makikipag-break siya sa ‘yo at sasabihin niyang, “Kailangan kong hanapin ang sarili ko.” Personal conflict ang ibig sabihin niyan, mga ate at kuya. Bigyan mo siya ng pinakasikat na hinihingi sa isang relasyon, ang space. Hayaan mo siyang makapag-isip-isip. Malay mo kapag binigyan mo siya ng space, ma-miss ka niya at doon niya ma-realize na mahal ka pala talaga niya at hindi niya kayang mawala ka.
Sa dami ng taong nakasasalubong mo araw-araw, imposibleng ni isa wala kang natipuhan kahit may karelasyon ka. Normal ‘yun, pero normal pa ba kapag nagkamabutihan kayong dalawa kahit may boyfriend o girlfriend ka? Ang sakit naman noon lalo na kapag narinig mong sabihin niyang, “Hindi ko sinasadya pero mas mahal ko na siya.”
Kasi naman ikaw, bakit hinayaan mo siyang ma-in love sa iba? Baka naman hindi mo siya binibigyan ng sapat na oras at pansin na hinihingi niya? Pero kung para sa ‘yo wala naman talagang kulang sa ‘yo at siya lang itong malandi o kaya mas malandi pa sa ‘yo iyong nang-akit sa nobya mo, i-break mo na. Hindi mo deserve ang taong walang loyalty. Masasaktan ka sa umpisa, pero iyon ang makabubuti sa iyo. Move on ka na agad! Mas mahalin mo ang sarili mo.
Wala eh, ganyan talaga ang pag-ibig, masalimuot. Sa umpisa, masaya kayo pero pagtagal, ayun ikaw na lang pala ang masaya. ‘Ika nga, “no sparks” na. Ang mga bagets kasi ngayon, madaling magpadala sa bugso ng damdamin. Tandaan, gamitin din ang isip. Kaya nga inilagay ang utak na mas mataas sa puso ay dahil para gabayan nito ang mga gagawing desisyon ng puso. Kapag nagmahal ka, magtitira ka lagi para sa sarili mo at huwag na huwag mo siyang gawing sentro ng mundo mo. Paano kapag iniwan ka niya, eh ‘di walang-wala ka na? Mas mahirap mag-move on nang ganyan.
Dalawa lang ang susi sa matagumpay na relasyon. Una, matutong mahalin ang sarili. Kasi kapag alam mo kung paano mo mahalin ang sarili mo, matututunan mo rin ang tamang pagmamahal sa ‘yong magiging partner. Pangalawa, sa bawat relasyon, gawing si God ang sentro ng pagmamahalan n’yo.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo