NAGBUHOS ng sama ng loob si Direk Lauren Dyogi, head ng Star Magic at ABS-CBN Entertainment Production sa interview ni Toni Gonzaga sa kanyang ToniTalks sa Youtube channel tungkol sa ilang dating Kapamilya talents na nagdesisyong iwanan ang ABS-CBN pagkatapos nitong mawalan ng prangkisa.
Inihalintulad ni Direk Lauren ang pangyayari sa isang bangka na kapag palubog na sa tubig ay tatalon ang mga sakay nito para mailigtas ang kanilang sarili.
“I suppose when the boat is sinking, you can’t expect everybody to stay in the boat, to stay with you… As I said, tao ako, masakit talaga. Especially doon sa mga taong kinausap ko na one, two or three times.
“Masakit talaga. Sana lang, ako kasi, from the onset, sabihin mo na lang na hindi mo kaya,” bulalas pa ni Direk Lauren.
Ayon pa sa direktor masakit para sa kanya na isa-isang nag-aalisan ang mga talents ng ABS-CBN para magtrabaho sa ibang network pero naiintindihan naman daw niya ang desisyon ng mga ito.
“Siguro I suppose, if I am going to analyze it, siguro kasi dumadaan din siya sa proseso. Iniisip din niya kung ano yung tama sa kanya. Hindi ko naman maalis sa kaniya yun. Pero masakit talaga.
“But I guess hindi ko controlled yun. Hindi ko na controlled ang utak at puso ng ibang tao. May priorities sila. May priorities din naman kami. Hindi siguro nagtugma at this point. I will wish them well. I will wish them the best,” lahad pa ng director.
“It’s always during very difficult times, crisis, challenging times na lumalabas yung tunay mong pagkatao. So okay na rin. Nagkakaalam tayo kung ano yung pinaninindigan mo. Bilog naman ang mundo. Ang liit-liit ng industriya,”sabi ulit ng Star Magic head.
Naniniwala si Direk Lauren na kakayanin pang bumangon ng network sa kabila ng pagkakadapa nito ngayon.
“It’s really a very humbling experience. You were the number one network and in a snap, everything gone. Kailangan mo lunukin lahat ng pintas, lahat ng harsh words. You just have to believe na kaya mo bumangon,” aniya.
Dahil sa sitwasyon ngayon ng ABS-CBN ay mas nakilala at naramdaman daw niya ang halaga ng isang Kapamilya.
“Totoo pala talaga yung Kapamilya, na sa hirap at ginhawa, magkakasama kami. We experienced pay cut, pero ganun naman ang pamilya, di ba? Kapag nasa hirap, magti-tighten ng sinturon, sama-sama kayo dahil mahal niyo yung katrabaho niyo, mahal niyo yung kumpanya niyo, mahal niyo yung pamilya niyo. Importante yun,” deklara pa ni Direk Lauren.