SA TUWING manonood kami ng aking pamilya ng pelikula sa Trinoma Cinemas palagi kong napapansin ang mga security guards na pagala-gala sa loob ng sinehan para masiguro na walang kumukuha ng video ng nasabing palabas.
Bakit hindi rin gamitin ng mga sinehang ito ang kanilang mga gumagala-galang sekyung ito para siguraduhin ding walang guma-gamit ng cellphone habang ipinapalabas ang pelikula?
Marami kasing mga manonood na sadyang matitigas ang ulo at bobo. Hindi siguro alam ng mga moron na ito na kapag sila ay nagte-text sa kalagitnaan ng palabas nakakasilaw ang ilaw ng kanilang cellphone at labis na nakakaistorbo.
BAKIT HINDI rin gayahin ng mga sinehan natin dito sa Pilipinas ang sistema ng mga sinehan sa ibang bansa tulad ng Amerika na recycled at sterilized ang mga antipara na ipinapagamit sa mga manonood ng kanilang mga pelikulang 3D.
Ang sistema doon kasi pagbili mo ng tiket para sa 3D na pelikula bibigyan ka ng antipara na nakapaloob sa isang selyadong plastik. Pagkatapos ng pelikula ihuhulog mo iyon sa isang recycling bin na nakalagay sa labas ng sinehan.
Dito sa atin, pagkatapos mong manood ng pelikulang 3D, isu-surrender mo ang antipara sa isang empleyado ng sinehan bago ka lumabas para ito ay agad na gagamitin din ng mga susunod na manonood.
Hindi ba alam ng mga may-ari ng sinehang ito na may mga sakit na puwedeng mahawa ang isang tao sa paggamit ng antipara ng iba? Halimbawa na lang dito ay kapag ginamit mo ang antipara ng isang taong may flu virus o dili kaya ay skin herpes, eye herpes, sore eyes atbp.
BAKIT HINDI matuluy-tuloy na maipasa ang panukalang batas tungkol sa pagbawal sa mga mall at iba pang commercial establishments sa pagsingil ng parking fee?
Marami nang mga mambabatas ang nagtangkang ipa-nukala ito ngunit walang nangyari. At marami na rin ang yumaman na mambabatas dahil sa limpak-limpak na lobby money na ipinamumudmod ng mga may-ari ng mall para harangin at huwag maisabatas ang nasabing panukala.
Sa maraming bansa, libre ang parking sa lahat ng commercial establishments. Dito naman sa atin, ang masaklap pa, kahit na nagbayad ka ng parking fee ng isang mall, kapag na-carnap ang iyong sasakyan o may nawala rito habang naka-park, walang pananagutan ang management ng nasabing mall.
MAY MGA mall naman na saksakan din ng takaw. Nani-ningil na nga sila sa parking, pati sa paggamit ng kanilang kubeta ay naniningil din.
At kapag ikaw ay isang taong may kapansanan at napagod sa pagala-gala sa mall at kinailangan mo ng wheelchair, muli kang malalagasan ng pera dahil magbabayad ka para sa renta nito.
MAY ILANG mga mall naman na istupido ang security measures na ipinatutupad sa pagpasok mo sa kanilang parking area. Pinabubuksan nila ang trunk ng iyong sasakyan at sisilipin kung may bomba na nakapaloob dito. Ang sistemang ito ay walang saysay at pagsasayang lamang ng oras.
Ang hindi iniisip ng mga kolokoy na ito na kapag gustuhin ng mga terorista na magpuslit ng bomba sa kanilang sasakyan, hindi nila ito ilalagay sa trunk dahil alam nila na ito ang iniinspeksyon palagi kaya itatago nila ang bomba sa ibang parte ng sasakyan. Mas makabubuti pa kung ang mga mall na ito ay gumamit na lang ng bomb sniffing dogs.
Shooting Range
Raffy Tulfo