SA AMING patuloy na pagtulong sa mga naaapi, isang concerned citizen ang dumulog sa WANTED SA RADYO at humihingi ng tulong upang maibalik na lang sa kanya ang P35,000 na pinambayad niya sa duplicate ng kinukuhang certificate of registration sa LTO ng Tarlac.
Ayon sa kanyang kuwento, isang Edmund Pangan, na hindi naman empleyado ng LTO Tarlac, ang naningil ng P35,000 sa loob mismo ng himpilan ng LTO Tarlac kapalit ng CR ng kanyang kotse, na hanggang ngayon ay hindi niya pa nakukuha. Sinabi niya rin sa amin na ang Pangan na ito ay kapatid pala ng Chief LTO ng Capaz, Tarlac.
Tinawagan namin kaagad itong si Chief LTO ng Capaz, Tarlac Amalia Sigwa at sinabing driver niya itong si Pangan. Pilit niya kaming inililihis sa tanong namin kung kapatid niya si Pangan. Ngunit ‘di kalauna’y umamin din na kapatid nga niya si Pangan, na si Pangan ay driver niya at siya ay hindi empleyado ng LTO Tarlac.
Pilit gumagawa ng butas at lusot itong si Sigwa para lang magmukhang malinis ang kanyang pangalan. Kanya pang ipinagtatanggol na hindi pa mailabas ang CR dahil nagkaroon daw ng problema ang rehistro ng kotse at kailangan pang ayusin ito ni concerned citizen.
Aming inilapit itong balasubas na gawaing ito ng magkapatid na Pangan at Sigwa sa Asst. Regional Director ng Region 3 ng LTO – Aida Santiago at kanyang sinabi na agad niyang iimbestigahan at papatawan ng kaso ang sinomang napatunayan na nagkasala.
Ipinangako naman ni Sigwa na kanyang ibabalik ang P35,000 na ibinayad nitong concerned citizen.
Naging isang leksyon ito sa aming concerned citizen na dapat ay dumaan na lamang sa tamang proseso. Oo nga naman at nakaeengganyo ang pumatol sa fixer, lalo na kung ang fixer ay nasa loob ng tanggapan ng taong may mataas na posisyon, pero ito ay iligal pa rin.
ISANG REYNALDO Basas naman ang lumapit sa amin upang ilapit ang kanyang problema sa WSR. Reklamo niya ang amo ng kanyang anak na si Eddie Andal, Brgy. Chairman ng Lower Bicutan, Taguig.
Diumano’y na-hold at hindi pinauuwi o pinalalabas ng bahay ang kanyang anak na si Raymond Basas dahil ito raw ay nagnakaw ng P18,000. Pero walang maipakita itong si abusadong Brgy. Chairman ng isang konkretong ebidensiya na magpapatunay na nagnakaw itong si Raymond – maliban na lamang sa personal na cellphone ng binata, na kinuha nitong Andal balasubas dahil kanya palang ipinagbabawal ang cellphone, at ito raw ang kanyang itinuturing na ebidensiya.
At kahit mayroon mang ebidensya, hindi pa rin pinapayagang mag-hold o ikulong sa bahay ang isang empleyado. Naaayon nga sa Kasambahay Bill na hindi rason ang utang para i-hold ang kasambahay sa pag-alis sa kanyang trabaho dahil ito ay isa sa kanilang karapatang pantao.
Aming idinulog itong problema ng mag-amang Basas kay Col. Elio Rodriguez, Deputy Chief of Police ng Taguig, at sinabing kanyang sasamahan si Reynaldo Basas para makuha at makauwi na itong si Raymond Basas at agad na sasampahan ng kaso ang sinomang napatunayang nagkasala.
Ang WANTED SA RADYO ay mapakikinggan sa 92.3 FM, Radyo 5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00pm. Ito ay hatid sa inyo ng ROBUST, a dietary supplement for men. Ang ROBUST ay garantisadong pampa-astig na nagbibigay ng pangmatagalang lakas. Ang ROBUST na gawa ng ATC Healthcare Corporation ay mabibili lamang sa mga kilalang botika.
Shooting Range
Raffy Tulfo