NAPAKAINGAY NGAYON ng mga pagkondena sa ginawang “plagiarism” ng isang Mark Joseph Tajo Solis sa isang katatapos lang na paligsahan ukol sa photography na itinaguyod ng Embahada ng Chile rito sa Pilipinas. Sa nasabing paligsahan, inilahok ni Solis ang larawan ng isang bata na tumutulong umano sa kanyang ama habang nangunguha ng lato sa dagat matapos ang isang bagyo.
Pinalabas ni Solis na siya ang kumuha ng nabanggit na litrato kahit na kanya lamang pala itong napulot sa Internet mula sa pahina ng totoong may-ari na si Gregory John Smith na isang banyaga. Nagsinungaling pa si Solis nang ilahad na ang bata sa larawan ay nagmula umano sa Zamboanga City samantalang ito pala ay taga-Brazil. Sa kasamaang-palad, nanalo pa si Solis sa nasabing patimpalak at nag-uwi ng premyo para sa isang lahok na hindi naman talaga sa kanya. Ito ay isang malinaw na kaso ng “plagiarism”.
Ang “plagiarism” ay ang pagkopya, paggamit, o pang-angkin ng mga ideya o gawa ng ibang tao nang walang kaukulang pagbibigay ng pagkilala o kredito sa tunay na may-ari ng nasabing ideya o akda. Ito ay isang malinaw na uri ng pagnanakaw dahil ang isang bagay na pinaghirapan at pinagbuhusan ng oras ng tunay na maylikha ay bigla na lamang inaangkin ng isang tao na wala namang kinalaman sa nasabing akda. Dahil ito ay pag-agaw ng pagkilala at pag-angkin ng pakinabang na nakalaan dapat sa ibang tao, ito ay isang uri ng pagnanakaw na maari ring maparusahan sa ilalim ng batas.
Isipin na lang natin, matapos paghirapan ang paglikha ng isang kanta o kuwento, o ang matagal na pagbibilad sa araw para lang makuha ang tamang anggulo para sa isang magandang litrato, ang gawa na ating pinagsikapan ay bigla na lamang aangkinin at gagamitin ng ibang tao nang walang paalam at pagkilala. Ang tanging puhunan lang ay ang likot ng kanilang mga kamay at mata na maghanap at sumuri ng mga mananakaw na akda sa Internet.
Hindi na bago ang isyu ng “plagiarism” dito sa Pilipinas. Kamakailan lamang, isang Justice ng Supreme Court at isang Senador ang mga inakusahan ng pangongopya sa akda ng iba nang walang kaukulang pagbibigay pagkilala. Walang nangyari. Walang nanagot. Ang tanging naibigay lang sa atin ng mga kontrobersya na ito ay ang isang solid na joke na “copying is the greatest form of flattery”. Sobrang galing. Acheche!
Humingi na ng paumanhin si Solis matapos na mabuko ang kanyang ginawang kaungasan. Ayon sa kanya, dulot lang umano ng kanyang kabataan ang kanyang nagawa. Hindi niya nabanggit na ilang beses na rin siyang nangloko sa iba pang mga paligsahan. Ibang-iba rin ang tono at tema ng kanyang paumanhin sa kanyang talumpati noong panahon na tinanggap niya ang kanyang premyo sa nasabing patimpalak ng Embahada ng Chile.
Sa kanyang talumpati, masaya at matuwid na sinabi ni Solis sa wikang Ingles na: Ang iyong ideya ay kasing husay lang ng iyong mga napiling salita. Maaaring hindi ito totoo. Mapanlinlang ang mga salita. Maaari nitong ikubli ang ating mga tunay na kaisipan. Mas tama siguro si Batman. Walang halaga kung ano man ang ating saloobin. Ang mga ginagawa natin ang tunay na magbibigay-kahulugan sa ating pagkatao.
At dahil nagnakaw si Solis ng akda na pinaghirapan ng iba, kapatid siya ng sinunga-ling. Mahusay man ang kanyang mga salita.
Sampal-Tubig
By Atty. Reynold S. Munsayac