Kapayapaan

NAGANAP NA naman ang isang bagong kasaysayan sa usaping pangkapayapaan sa Mindanao noong nakaraang Huwebes matapos ang pinal na paglalagda ng Bangsamoro basic law. Ito ang huling hakbang bago simulan ang pag-ukit ng batas sa Kongreso at Senado na maglalagay sa Bangsamoro bilang bahagi ng Republika ng Pilipinas.

Isang mapaglarong pagkakataon at pangitain naman ang nagpatindig sa balahibo ng mga dayuhang mamamahayag na  nagmamasid sa makasaysayang araw para sa mga Pilipino. Ito ay ang karahasang nangyari sa Mendiola sa pagitan ng mga nagbi-vigil na Muslim group at mga tagasuporta ng New People’s Army habang kasalukuyang nagaganap ang programa sa paglalagda ng Bangsamoro basic law.

Nagtulakan, nagsuntukan at nagbatuhan ang mga nagtitipon sa Mendiola dahil hindi na umano natiis ng mga Muslim na nagsasagawa rin ng kanilang programa, bilang suporta sa Bangsamoro ang ingay na nililikha ng grupo naman ng mga hinihinalang miyembro at tagasuporta ng NPA, na kumukondena sa ugnayang Pilipinas at Amerika, partikular sa usaping base militar.

Bukod sa kaguluhan sa Mendiola ay may mga grupo rin ng mga raliyista sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila ang nakisabay sa pag-iingay at protesta laban sa kasalukuyang gobyerno. Lahat ng kaguluhang ito ay magkakasabay na naganap sa araw ng pagtitipon ng mga pinuno ng ating pamahalaan at mga lider ng mga iba’t ibang Muslim community para sa iisang layuning pangkapayapaan.     

MABUTI SIGURO ay linawin natin ang konsepto ng kapayapaang pinag-uusapan dito. Ang kaguluhan sa Mindanao ang pinakamatagal nang suliranin ng bansang Pilipinas sa usaping kapayapaan. Dahil sa matagal nang panahon ang dumaan sa pagtataguyod ng kapayapaan sa lugar na ito ay lubhang naapektuhan ang kabuhayan at antas ng pamumuhay sa Mindanao.

Matatagpuan sa Mindanao ang mga pamayanang pinakamahirap sa bansa gaya ng Maguindanao. Walang maayos na hanap-buhay sa lugar na ito. Ang karamihan sa mga tao ay hindi nakapag-aral. Wala rin sila halos natatanggap na tulong sa pamahalaan at wala ring oportunidad para gumanda ang kanilang buhay.

Halos walang pagamutan, ospital na mahusay at mga health centers man lang. Wala rin gaanong paaralan sa lugar at ang kalsada ay lubak-lubak na bato sa tuwing tag-init at animo’y putikang lubluban ng kalabaw sa tag-ulan.

Talagang ikagagalit mo ang kaapihang ito kung dito ka naninirahan. Wala ring lugar ang kapayapaan maging sa kanilang isipan dahil gutom at poot sa dibdib ang sa tuwina’y bumabangungot sa kanilang pansamantalang pagkakahimlay, mula sa pagod na katawang  nagbana’t ng buto at pumawis ng dugo para lamang makakain isang beses sa maghapon.

Ang sagot sa tanong na anong kapayapaan ang pinag-uusapan dito ay tumutukoy sa antas ng kabuhayan. Ang ibig sabihin ay hangga’t may naghihikahos na Muslim sa Mindanao ay hindi matatapos ang kaguluhan doon at hindi rin matatagpuan ang kapayapaang hinahangad ng lahat.

MARAMI NA ang pamahalaang nagtangkang resolbahin ang problemang kapayapaan sa Mindanao. Ang Javida sa panahon ni Marcos, ARMM sa rehimeng Cory at Ramos, PEACE PACT kay Estrada hanggang kay Arroyo at ngayon ay ang Bangsamoro. Ang mahalagang tanong dito ay paano ba naiiba ang Bangsamoro sa mga nakaraang usaping pangkapayapaan sa ating kasaysayan?

Ang pangakong pagkakaroon ng kalayaang magpasya para sa mga kapatid nating Muslim sa Mindanao ang pangkaraniwang sangkap sa tratadong nais isulong ng mga gobyernong nagtangkang tapusin ang problemang ito sa ating kasaysayan. Ngunit sa kasamaang palad ay walang nagtagumpay sa mga ito at nagpatuloy lamang lumago at dumami ang mga kilusang nagtutulak sa kasarinlan ng Mindanao.

Mas naging matindi pa ang labanan nang maglunsad ng “all-out war” si dating Pangulong Estrada laban sa MNLF at lalo pang naghirap ang mga taga-Mindanao. Mas dumami rin ang mga bagong miyembro ng kanilang kilusan dahil sa puot at nais na paghihiganti sa gobyerno ng Pilipinas. Para sa kanila ay kahit kailan ay hindi naging bahagi ng Pilipinas ang Mindanao.

Makikita sa ating kasaysayan na hindi kailanman nagwagi ang gobyernong Espanya sa planong pananakop sa Mindanao. Nagpatuloy ang pakikidigma ng mga kapatid nating Muslim para ipaglaban ang kanilang kalayaan sa lupang tinubuan hanggang dumating ang mga Amerikano. Hindi rin nagtagumpay ang mga Amerikano na hikayatin sila kaya’t  may pagkakataon noong nais na ng pamahalaang Commonwealth na ihiwalay ang Mindanao sa itatayong Republika ng Pilipinas.

Ang Bangsamoro Framework ay naglalayong gawing isang independyenteng estado ang Mindanao na pinamumunuan ng isang Prime Minister. Ito na kasi ang pinakamalapit sa ipinaglalaban ng mga kapatid nating Muslim na kasarinlan at hindi tuluyang pagkakahiwalay dito bilang bahagi ng ating bansa.

Mula sa basic law na pinagtibay ng pamahalaan at mga kasaping grupong Muslim sa usaping Bangsamoro ay gagawa ang Kongreso at Senado ng batas ayon sa rekomendasyon ng Bangsamoro Framework. Dahil dito ay mangangailangan ng isang referendum para sa pagbabagong ito sa ating Saligang Batas.

ANG IMPORTANTENG tanong ay kung handa ba tayo sa pagbabagong ito sa ating Saligang Batas? Kung magkakaroon ng isang lider ang Mindanao na tatawaging Prime Minister ay maaari ring mabago na nang tuluyan ang uri ng ating pamahalaan. Isang Charter Change ang daan para rito.

Sa kasalukuyang Saligang Batas ay isang “unitary form of government” ang umiiral. Ibig sabihin ay may iisang sentrong pamahalaan ang nangangasiwa sa buong bansa. Isang “federal form of government” naman, kung saan ang gobyerno ay kumikilala sa kasarinlan ng iba’t ibang estado, halimbawa, ang mas angkop sa Bangsamoro Basic Law.

Ngayon, masasabi ba nating handa na tayo sa ganitong uri ng pamahalaan? Hindi ko huhusgahan kung makakabuti o makakasama ito sa atin bilang isang bansa at nasyon, ngunit ang gusto kong puntuhin ay kung may kahandaan ang mga Pilipino sa isip, pananaw at paniniwala sa ganitong uri ng pamamahala. Mahalagang suriin ito nang maigi ng ating mga mambabatas at makilahok tayong mga mamamayan sa pagsusuring ito.

Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.

Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleStalker ang Ex-Boyfriend
Next articleCompare D Fez

No posts to display