By Maestro Orobia
[imagebrowser id=316]
MAY TUMAWAG sa akin sa phone na isang concerned citizen na may sunog daw sa Marquez compound sa may tabi ng riles sa Putatan, Muntinlupa City at doon nakita ko na malakas na ang apoy at malapit lang ito sa kapilya ng mga madre ng Sisters of Mary Mother of Grace. Sa tantiya ko, mga limang metro na lang at aabutin na ng apoy ang kapilya ng mga madre. Habang abala naman ang mga bumbero ng Muntinlupa upang sugpuin ang apoy.
Kaya ang inyong lingkod ay nakipag-ugnayan sa mga TV network ng GMA 7, ABS CBN, at TV5 upang tulungan tayong humingi ng ayuda sa mga kalapit na bayan at lugar. Dahil lumalaki ang apoy ay tumulong na rin ako sa mga bumbero upang igiya sila dahil kabisado ko ang lugar at habang nakikitulong ang inyong lingkod, nakita ko roon si Mayor Aldrin San Pedro na nag-uniporme ng pambumbero kasama si Vice Simundac at na nagresponde sa sunog .
Kinausap ko si Mayor, sinabi ko sa kanya, “Mayor ang mga madre natin, ‘yung kapilya nila masusunog, kawawa naman.”
Inutusan niya ang kanyang mga tauhan at naapula ang apoy nang walang nasawi. Himala na hindi na-damay sa sunog ang kasalukuyang kapilya ng mga madre, dahil kung hindi kasama roong masusunog ang oversize sculpture ng Señor del Perdon (imahe ng nakapakong Hesukristo). Ito ay ginawa ni Angelo Baldemor ng Paete, Laguna at nagkakahalaga ng P100,000.
MGA MADRENG NAKADISTINO SA RILES
SINO NGA ba ang mga madreng ito? Ayon mga madre, sadyang pansamantalang nagtayo sila ng kanilang kumbento at kapilya sa gilid ng riles taong 1991 pa. Sila ang unang nagbigay ng legal na kuryente sa mga nasa home-along da riles. Sa pakikipagtulungan ng Meralco, nailagay ang unang transformer ng kur-yente at nabiyayaan agad nito ang 30 na pamilya at may mga sumunod pang meter center na naitayo. Ito ay tinawag nilang “depressed- area electrification program” bilang pilot project ng Meralco at ng mga madre.
Maraming gawain ang mga madre katulad ng medical at dental missions sa pakikipagtulungan sa Muntinlupa Medical Society at ng MCM at MPM foundation. Nagdadala rin sila ng mga pasyente sa iba’t ibang ospital. Wala silang pinipiling oras at panahon. Meron din silang operation timbang, feeding program, gift giving, seminar sa tamang nutrisyon, livelihood program at siyempre ang pamumuhay bilang Kristiyano.
Pinapaalalahan din nila ang mga magulang tungkol sa pag-aral ng kanilang mga anak upang labanan ang kahirapan. Sa loob ng mahabang panahon, sila ay patuloy na naglilingkod upang gampanan ang kanilang sinumpaang tungkulin na inatang sa kanila ng Maykapal.
Ayon sa mga madre, sa taong ito kailangan nang maitayo ang kanilang bagong kumbento at kapilya sa lote na nabili nila sa CERF Realty, tinamaan kasi ng proyekto ng rehabilitasyon ng PNR ang kinatatayuan nila ngayon. Pero tuluy-tuloy na serbisyo sa tao kahit pansamantala ay walang bubong ang kanilang kapilya.
Ani pa ng mga madre, nagpapasalamat sila sa mabubu-ting tao na patuloy na sumusu-baybay at nagtitiwala upang tulungan sila na makabili ng lote upang tayuan ng bagong kapilya at kumbento. May ilang arkitekto na rin at engineer na boluntar-yong nag-design para sa itata-yong mga istraktura. May mga ilan din namang nag-pledge na sagot na nila ang labor at ilang construction materials.
PAGTUGON SA MGA NASUNUGAN
BILANG PAGTUGON sa mahigit 200 pamilyang nasunugan, ang mga madre ay naghanda ng kaunting maitutulong katulad ng relief goods na siya rin namang ipinamigay nila nang nakaraang pagbaha na dulot ng habagat. Ito ay tulong ng mga kumpanyang sumusoporta sa mga madre. Sa mga nagnanais tumulong sa biktima ng sunog, tumawag lamang sa tel. 382 9838 at cp#. 09073466319 c/o Mother Marites Sabado.
Ito ang larawan sa canvas ni Maestro Orobia.
For comments and suggestions, e-mail. [email protected]