MAGANDA ANG ginawa ni Nora Aunor, kung saan ay tumulong itong mag-repack ng relief goods para sa mga kababayan nating kapos-palad at nasalanta ng habagat.
Nagulat ang mga taga-TV5 nang walang kaabug-abog na dumating si Mama Guy, kung saan ay tumulong ito sa pagbabalot.
Honestly, nakakatuwa ang kanyang ginawa. Pero mas magiging maganda siguro kung siya mismo ang nag-donate. Kaso paano makapagdo-donate si Mama Guy? Siya mismo, kapos sa financial.
Nakapanghihinayang talaga si Nora. Marami siyang sinasayang sa kanyang buhay. Marami siyang itinapon sa mga regalong ibi-nigay sa kanya nu’ng nasa Itaas.
Mabait at may mabuting puso si Nora, marunong magpakumbaba. Kaya lang, napahina sa tawag ng bisyo. Mas priority niya ang pagka-casino.
“Feeling ko, habang may mga taong kunsintidor sa paligid niya, hindi matututo si Nora,” say ng isa naming kausap.
Sa totoo lang, marami nang Noranian ang hindi na Noranian ngayon dahil sa mga maling ginagawa ng Superstar. Isa na nga rito si Tita Swarding na legitimate Noranian noon, na Vilmanian na ngayon. Tsuk!
NAHIHIYANG HINDI maintindihan ang nararamdaman ngayon ni Jim Paredes dahil feeling niya ay naging malaking balita ang ginawa niyang pagtulong sa ilang kababayan nating naging biktima ng habagat.
Personal na pinuntahan ng Pinoy Parazzi si Jim sa kanyang bahay sa may University Hills sa Quezon City, kung saan ay sinabi nitong hindi naman daw ganu’n karami ang kanyang natulungan. Sampu hanggang labing-dalawang pamilya lang naman daw.
“Hindi naman ako ganu’n kayaman. Kumbaga, nagpunta sila rito sa bahay ko, tinanggap ko at pinakain. Pero ‘yung iba, magdamag lang at umuwi na sila sa kanilang bahay. ‘Yung iba naman, nag-stay rito kasama ang kanilang mga anak,” pahayag ni Jim, na nagsabi pang masarap daw ang feeling nang nakatutulong. “Siguro mas maganda ‘yung ikaw na lang ang tumutulong kesa ikaw ang tinulungan.”
Ayon pa sa kanya, hindi lang daw ngayon nangyari ang ginawa niyang pag tulong. Mas marami raw ang mga taong umakyat ng kanyang bahay noong bagyong Ondoy. “Ang natutunan ko kasi sa parents ko, lalo na sa nanay ko eh, kung ano ang puwede mong i-share sa iyong kapwa ay gawin mo. Dahil ito ang tamang gawain ng isang taong may takot sa Diyos.”
Sinabi ni Jim na ang pagtulong sa kapwa ay inumpisahan ng kanyang ina. “Noong bata ako, marami na rin ang lumalapit sa pamilya ko at hindi nag-aatubiling tumulong ang parents ko. Kaya siguro ganu’n din kaming magkakapatid, kasi iminulat kami ng aming mga magulang sa kung ano ang kahalagaan ng pagtulong sa kapwa.”
Walang balak pumasok sa pulitika si Jim, hindi niya pinangarap ang maging popular dahil sa pagtulong sa kapwa. “Nagulat na lang talaga ako, Morly, dahil marami nang reporters at media ang gustong makipag-usap sa akin tungkol sa ginawa kong pagtulong na hindi naman talaga ganu’n kalaki sa ating mga kababayan,” pagwawakas ni Jim sa Pinoy Parazzi.
PINUNTAHAN NAMIN si Amy Perez sa kanilang bahay sa Teacher’s Village. Simple lang ang kanyang housing na kasing simple ng buhay ng aktres.
Wala nang mahihiling pa si Amy sa takbo ng kanyang buhay. Kuntento sa mga anak at asawang mapagmahal. “Maaga talaga akong natutulog dahil maaga rin akong nagigising,” panimula sa amin ni Amy, na obvious na patulog na nu’ng oras na iyon, pero dahil sa tawag ng trabaho ay tumayo ito at hinarap kami.
Si Amy ay isa ngayon sa hosts ng programang Ang Latest ng TV5. At bilang showbiz talk host, masaya ang buong staff ng nasabing show dahil bukod sa akma kay Amy ang nasabing show ay gamay ng aktres ang mga intrigang showbiz.
Honestly, akala namin noong una dahil sikat na ngayon si Amy kumpara sa ilang taong nagdaan niya sa bakuran ng Dos at Siyete, inakala naming iba na siya at pinasok na ng hangin ang kanyang utak, pero iba pala. Walang nagbago sa pag-uugali ni Amy. Masarap pa rin siyang kaibigan at katsikahan. Tsuk!
More Luck
by Morly Alinio