ISANG PANAWAGAN ang nais iparating ng grupong Upgrade sa kanilang mga tagahanga, lalong-lalo na sa mga babae. Dahil may mga tawag na natatanggap ang grupo na nagsusumbong sa kanila na isang babae raw na nagtatago sa pangalang Andrea at nagsasabing sobrang close sa nasabing grupo na nakilala nila sa isa sa mga shows ng Upgrade ang isinasama sila at pinapangakuang makakasama ang buong grupo ng GMA-7 newest boyband.
Kuwento nga ng isang magandang fan ng Upgrade na kinakausap daw siya, sampu ng apat pa niyang kaibigan ni Andrea na kung gusto nilang makita, makasama at makausap ang lahat ng miyembro ng nasabing boyband ay kailangang sumama sila rito.
Halos araw-araw raw ay pinupuntahan sila nito sa kanilang bahay para lang mapa-oo. At dahil nga hinahangaan nila ang nasabing grupo ay kamuntik-muntikan na silang sumama. Nagdalawang-isip lang ang mga ito nang may ilan silang kakilala na nagsabi na iwasan si Andrea dahil bugaw raw ito.
Na kanila namang napatunayan, dahil nagulat sila nang minsang sumama sila sa likod ng isang mall at hindi Upgrade members ang kanilang nakita, kundi mga lalaking may edad na at naka-black shades at sinabihan sila ni Andrea na maging mabait sa mga ito at kailangan nilang sumama.
Mabuti na lang daw at nakatakbo sila or else ay baka natangay na sila ng mga naturang lalaki at naibugaw na. Dali-dali nilang kinontak ang handler ng grupo at ikinuwento ang kanilang sinapit at sinabi naman ng handler na hindi basta-basta nakikipag-meet ang grupo ng Upgrade nang walang event, at wala silang kakilalang Andrea na close sa grupo.
Kaya naman payo ng grupong Upgrade sa kanilang mga babaeng tagahanga na ‘wag basta-basta mani-niwala kapag may nagyaya sa kanila at magsasabing makakasama sila kahit walang event. Mas maganda raw na pumunta na lang sila sa mga shows ng mga ito katulad ng taping ng Walang Tulugan every other Friday at sa kanilang mall show sa Sept. 15 sa Starmall Las Pinas at Sept. 22 sa Starmall Edsa-Shaw. Doon sigurado raw silang makikita, mapapanood, makakausap at malalapitan silang lahat.
ISA SA maituturing na busiest tween star ng GMA-7 ang sinasabing Mario Maurer ng Pilipinas na si Teejay Marquez, dahil bukod sa dalawang pelikulang tinatapos nito, ang Basement ng GMA Films at Mohammad Abdulla, kasama rin ito sa isa sa pinakamalaki at aabangang primetime soap ng GMA-7, ang Haram na pinagbibidahan nina Dingdong Dantes at Kylie Padilla.
Gagampanan ni Teejay ang nakababatang kapatid ni Kylie na si Nasser na isang Muslim na magiging matalik na kaibigan ni Kristoffer Martin na kapatid naman ni Dingdong sa malaking soap ng Kapuso network. Makakasama rin ni Teejay sa Haram sina Mark Gil, Neil Ryan Sese, Alessandra De Rossi, atbp. Ito’y mula sa mahusay na direksiyon ni Direk Maryo J. Delos Reyes. At abangan din daw ang paglabas ng kanyang single, ang “Angel In The Sky” na isa sa awitin sa soundtrack album ng kanilang pelikulang Mohammad Abdulla, at nag-trending sa Twitter sa ika-limang slot sa Philippines at Worldwide.
SUGOD NA mga Kapatid sa auditions para sa pinakabagong game show ng TV5 — ang The Million Peso Money Drop! Pumunta lang sa TV5 Broadway sa darating na Linggo, Setyembre 16. Magsisimula ang registration sa ganap na ika-siyam ng umaga.
Bukas ang auditions sa lahat ng pares na magkakakilala. Maaring magkasamang mag-audition ang magkaibigan, magkamag-anak, magkapit-bahay, magkaklase, at iba pa na may edad 18 hanggang 60 years old. Kailangan lamang magdala ng mga sumusunod: dalawang (2) valid IDs, isang (1) 2×2 picture ng kanilang sarili, original NBI clearance, birth certificate at medical certificate. Magdala rin ng kopya ng inyong mga resumé.
Huwag nang mag-atubili! Humanap ng kasama at pumunta na sa The Million Peso Money Drop auditions sa TV5 Broadway itong Linggo.
John’s Point
by John Fontanilla