SA BALITANG napipintong paglipat ng ilang Kapuso lead actors na sina Ricard Guttierrez na nagpahayag kamakailan na titingnan at pag-aaralan muna niya ang kontratang pipirmahan bago mag-renew ng kontrata sa Kapuso Network, gayundin ang award-winning actor na si Dingdong Dantes, nararapat na mag-build-up na ang network ng mga mahuhusay na teen actors para humalili sa mga iiwang puwesto ng mga nasabing leading men.
Ilan nga sa nakikitaan namin ng potential na maging kasing laki ng pangalan nina Richard, Dennis Trillo, Geoff Eigenmann, Dingdong, at iba pa ay sina Alden Richards na magaling umarte at maganda ang PR sa lahat ng taong nakakasalamuha niya, Kristoffer Martin na mahusay ring umarte at kapapanalo pa lang ng award for Best Supporting Actor sa kanyang pelikulang Oros sa Golden Screen Awards, Derrick Monasterio, at Hiro Peralta na magkasama sa Annakarenina , parehong matangkad at nakakaarte.
Ilan pa sa puwedeng i-build-up ng GMA-7 ay sina Jake Vargas na isa sa pinakasikat na young actor sa bakuran ng GMA-7, Teejay Marquez na sikat sa Internet at gumagawa ng pangalan sa Indonesia at Malaysia, Enzo Pineda na isa sa leading men ni Kim Rodriguez sa Kambal ni Eliana, at Roco Nacino na hindi rin mapapantayan ang husay sa pag-arte.
Matutukan lang at mabigyan ng magagandang proyekto ang mga nabanggit naming young actors ng Kapuso ay tiyak na dadami na ang pagpipiliang lead actors ng GMA-7, pamalit na rin sa mga nagbabalak na mag ober da bakod sa ibang istasyon.
MIX EMOTIONS daw ang naramdaman ng lead actress ng kakambal ni Eliana na si Kim Rodriguez nang magkita sila ng kanyang ama na matagal nang nawalay sa kanya. Ito raw ang unang pagkakataong nakita nito at nakausap ang kanyang ama.
At kahit nga medyo nagdaramdam ito sa kanyang ama nang iwan sila, iba raw ang naramdaman nito ng kaharap na ang ama. Tsika nga ni Kim na iba raw pala ang pakiramdam na makita at makausap mo ang ama mo na matagal mo nang ‘di nakikita at nakakausap.
Kaya naman daw imbes na magalit ito at sumbatan ang kanyang ama ay masuyo nitong pinakiharapan ang ama na tuwang-tuwa rin sa kanilang pagkikita. Ang nakalulungkot daw ay hindi nag-iwan ng kanyang numero at kung saan naninirahan ang kanyang ama nang umalis ito after nilang mag-usap. Gusto pa naman daw ni Kim na mas makilala at makasama ang kanyang ama at ang mga kapatid niya rito.
If ever nga raw na magkakasunud-sunod ang dating ng magagandang proyekto sa kanya ay gusto nitong tulungan ang kanyang ama at mga kapatid niya rito. Pipilitin daw nitong matunton, kung saan naninirahan ang kanyang ama nang sa ganu’n ay mas maraming pagkakataong magkikita na sila at magkakausap.
NAKATUTUWANG MAKITA na may mga kababayan tayong tunay na umaasenso sa ibang bansa, katulad na lang ng Pinoy Canadian Idol na si Ramil Omosura na mula sa pagsali sa mga singing contest sa Canada sa pamamagitan ng Canadian Idol kung saan napasama siya sa finalist ay nagkasunod-sunod na ang suwerte nito.
Nagkaroon ito ng kanyang album kung saan naging finalist at nominado ito sa 2009 Star Awards for Music at nagkasunud-sunod ang konsiyerto ‘di lang sa Canada at Pilipinas, kundi maging sa USA, Hong Kong, China, Alaska, Mexico, at sa iba pang bansa.
Pinasok din nito ang pag-arte kung saan ilang pelikulang gawang Hollywood ang sinamahan nito na ipinalabas sa buong mundo . At ngayon nga ay may sarili na itong Production, ang Excclesiastes Entertainment Productions at may sarili nang recording company at artists. Meron na rin itong sariling music school sa Canada.
Senior Vice President na rin ito ng 5 Linx ang malaking telecommunication sa Canada, Amerika at ibang bansa.Pero kahit na nga successful na ito sa iba pa niyang negosyo, hinding-hindi raw nito iiwan ang pag-awit na dahilan kung nasaan man siya ngayon. Kaya naman daw within this year ay balak muli nitong mag-release ng kanyang album na ipo-promote nila ‘di lang sa Amerika at Canada, kundi maging sa Pilipinas, para naman daw marinig muli ng ating mga kababayan ang kanyang mga awitin.
John’s Point
by John Fontanilla