MGA PALABAS AT talents ang nagba-babuhan sa Kapuso Network, ah!
Sa mga palabas, nag-bid adieu na ang Mel & Joey nina Mel Tiangco at Joey de Leon. Ito ang isang maganda, maayos at mahusay na palabas na hindi mo inaasahang tsu-tsugihin nang bigla-bigla na lang. Pero gano’n talaga. Lahat may expiration date, sabi nga.
Ang isang talent naman na umasa, umasam at naghintay ng pagkakataong ibibigay sa kanya sa Kapuso eh, si Nadine Samonte.
Kaya nga sa pagkukuwento nito sa nangyari sa kanya sa mahaba-haba rin namang paghihintay na siya naman ang mapansin, naiyak ito sa presscon niya for The Sisters na siyang unang proyektong ipinagkaloob sa kanya ng bago niyang nilipatang istasyon, ang TV5.
According to Nadine, nabigyan naman daw siya ng pagkakataon ng GMA-7. Pero pawang sa mga pang-hapong palabas siya inilalagay. Ipinagpapasalamat daw niya ‘yun nang napakalaki. Pero siyempre, after that, gugustuhin din naman ng isang gaya niya na umakyat naman sa primetime.
Kaya nga raw nang matapos na ang kontrata niya sa GMA-7 noong May (2011), nakipag-usap na sila sa TV5. Naghintay pa rin naman daw sila kung ire-renew ang kontrata niya. Pero nang dumaraan na raw ang maraming mga araw na wala namang pasabi kung kukunin pa siya as their artist, nag-desisyon na raw sila ng kanyang manager na makipag-deal na sa TV5.
Eh, ang mga ganitong istorya naman, usually, ang nangyayari, too late na sa paghahabol. Humabol naman daw ang GMA-7 (siguro nabalitaan na lilipat na siya sa TV5) kaya lang, papirma na siya sa Kapatid na istasyon. At sa paghabol naman daw ng GMA-7 sa kanya eh, wala naman silang counter offer.
Ang tsika pa, madalas na ma-ging biktima pala ng panunulot ng mga proyekto ang dalaga. Basta nalalaman na lang daw niya na inalis na pala siya sa proyektong sinasalangan niya. Ililipat siya sa iba at pagkatapos, lost na naman.
At kahit naman daw nagsisimula pa lang umangat ang TV5, makakasabay na rin siya sa pag-grow ng nasabing network. Kaya, sobra-sobrang laki ng pasasalamat niya sa nasabing istasyon sa pagpansin sa talento niya. At bilang pauna, very challenging ang dual role na sasalangan niya sa nasabing soap.
So, nadagdag na ba si Nadine sa ituturing na Prinsesa sa Kapatid na istasyon? Na-welcome na ba siya nina Alex Gonzaga, Danita Paner at iba pa?
Naging Nadine Samonte naman daw siya because of GMA-7. Pero siyempre, there’s more to being a Nadine Samonte lang. Marami pa siyang kailangang patunayan sa pagiging Nadine Samonte niya. Tama?
ARAW-ARAW, UMA-UMAGA, GABI-GABI kong ka-text ang nag-iisang Superstar na si Nora Aunor.
At bawat araw, naiiba ang mga ikot ng plano niyang pag-uwi sa bansa na una nang in-announce ni Gov. Jorge ‘ER’ Ejercito, nang sa pamamagitan ni Suzette Ranillo eh, maipahatid niya ang offer niya para kunin ang Superstar sa kanyang proyektong El Presidente.
Okay na, eh. Sabi ko nga 99.9% na matutuwa na ang Noranians kasi, may bumili na ng tiket for her, isang kaibigan niya roon sa Amerika, si Dr. Noel.
Excited na ngang umuwi si Bulilit. Kasi noon pa nga dapat. Kahit na wala pa ‘yung offer from ER. Dahil marami rin siyang gustong asikasuhin sa pag-uwi niya rito.
Pero siyempre, sa lahat ng ito, ang namamahala dapat ay ang kanyang tatay-tatayan na si Kuya Germs (German Moreno). Kaya, habang marami pa silang pinag-uusapan ni Kuya Germs sa mga susunod na mga plano, mag-aantabay pa rin tayo kung ang nasabing pag-uwi ng the one and only Superstar will happen this soonest.
Kilalang-kilala na namin si Bulilit, si Inay sa maraming taon nang nakasama namin ito. Kung ano ang mga gusto at ayaw niya.
Araw-araw, uma-umaga, gabi-gabi hanggang sa madaling-araw, ‘yun ang mga pinag-uusapan namin. At ang isang bahagi nu’n eh, naka-focus sa kanyang mga Noranians, ang fans at ang press especially.
May mga nalaglag na ba at tumalikod?
The Pillar
by Pilar Mateo