NAANTALA ang production ng mga ongoing afternoon and primetime series natin kaya naman bilang alternatibo ay pansamantalang ibinabalik muna sa ere ng GMA Kapuso network ang ilan sa mga most-loved teleseryes nila from the recent years.
Last week ay inumpisahan na ang pagbabalik ng epic and campy afternoon series na ‘Ika-6 na Utos’ na pinagbidahan nina Sunshine Dizon, Gabby Concepcion at Ryza Cenon. Ang kabitserye na tumagal ng halos dalawang taon ang muling bumuhay sa karera nina Sunshine at Gabby at sa programa rin na ito mas nabigyan na ng pansin si Ryza Cenon na noong 2018 ay naging ‘most hated kontrabida’ ang pagganap niya bilang Georgia. Aliw at inis pa rin ang mga manonood sa kanyang ‘da moves’ at inaabangan pa rin ang replay ng mga jombagan nila ni Emma (Sunshine Dizon) na may kinalaman ang nerf gun, balut, aquarium at kung anu-ano pa. Kasama rin sa programa sina Angelika dela Cruz, Mike Tan, Rich Asuncion at marami pang iba. Nang matapos ang programa ay lumipat na sa ABS-CBN si Ryza Cenon at lumabas na rin sa FPJ’s Ang Probinsyano at The General’s Daughter. We miss you, Georgia!
Simula ngayong Lunes naman ay ipapalabas na rin ang family drama na ‘Onanay’ na pinagbidahan ni Jo Berry with Superstar Nora Aunor and La Kontrabida Cherie Gil. Reunited din dito ang Encantadia babies na sina Mikee Quintos at Kate Valdez. Minahal ng mga primetime Kapuso viewers ang programa dahil sa intense dramatic scenes ng mga bida. Ito ang family drama na magandang panoorin with the whole family habang nasa bahay. Nawa’y mas lalong mapalapit sa pamilya ang mga manonood ng programang ito.
Last but not the least ay ang action-comedy series na ‘Alyas Robinhood’ ni Dingdong Dantes. Matatandaan na naging controversial ang show dahil diumano’y kinopya nito ang konsepto ng isang Hollywood series, pero tanging ang pagkuha ng inspirasyon sa classic Robinhood story lang sila nagkapareho. Sa programang ito ay nanumbalik ang pagiging action star ni Dingdong at inabangan din ang mga adventures at pagkakainlaban nila ni Venus (played by Andrea Torres). Nagkaroon ng two seasons ang programa at maraming nakakaaliw at out-of-this-world characters ang programa kaya naman naging hit ito sa masa. Kasama rin dito sina Jaclyn Jose, Cherie Gil, Sid Lucero, Paolo Contis, Gio Alvarez, Anthony Falcon, Michael Flores, Jade Lopez at marami pang iba.
Ang maganda sa line-up na ito ay iba-iba ang inihahain para sa mga manonood. May awayan ng dalawang babae sa isang lalaki, may pampamilyang drama at may action-comedy na magpapa-excite sa hapon ninyo. Happy viewing, mga Kapuso!