BAKIT BA sobrang marahas ang barangay elections ngayon? Ilang buwan pa lang noon bago magbarangay election ay mayroon nang naitalang mga insidente ng pagpatay sa mga barangay chairman, kagawad at mga nagbabalak kumandidato sa eleksyong ito.
Malaki rin kasi ang pera at kita ng barangay. May mga pondo rin itong galing sa city hall o munisipyo. Daang milyong piso ang pinag-uusapang kita at puwedeng makurakot sa barangay council, kaya hindi kataka-taka na magpatayan sila para lang sa posisyon sa barangay.
Sa gitna ng mga patayan sa maruming pulitika sa barangay, paano ba natin makokontrol ang karahasan dito?
Ang Philippine National Police (PNP) ang may pangunahing tungkulin para ayusin ang problemang ito. Ang pagbabantay sa mga taong nagdadala ng baril sa kabila ng gun ban na umiiral ang dapat pinag-iigting ng PNP.
Kailan lang ay umabot sa 471 katao ang nahuling nagdadala pa rin ng baril kahit ipinatutupad na ang gun ban ng Commission on Elections (Comelec).
Si Police Senior Superintendent Wilben Mayor, ang Spokesperson ni PNP Chief, ang nagsabi na lagpas sa 400 katao ang bilang ng mga sumusuway sa batas na ito simula pa nang ipinatupad ang gun ban noong September 28.
Abot din sa 380 na iba’t ibang kalibre ng baril ang nakumpiska ng PNP. May nakuhang 64 na granada at 221 na iba’t ibang uri ng pampasabog. Kung susumahin ang lahat ng nakuhang armas ay abot ito sa 2,824.
PAANO NGA ba magiging epektibo ang kampanya ng ating mga kapulisan laban sa karahasan sa barangay elections kung kinakapos ang budget para rito.
Mukhang hindi pa kasi ipinaparating ng Comelec ang pondo para sa operasyon ng mga pulis na may kinalaman sa pagbabantay at pagpapanatili ng kapayapaan sa darating na barangay elections. Hindi nakapagtataka kung bakit hindi makontrol ng ating mga pulis ang karahasang ito sa barangay politics dahil sa kapos ang budget ng PNP para sa kanilang mga operasyon.
Mukhang natutulog pa sa pansitan ang Comelec at tila hindi sila naaalarma ng mga patayang ito na may kinalaman sa barangay elections.
Ngunit sa kabila nito, nangako naman itong si PNP Spokesperson Senior Superintendent Reuben Theodore Sindac na pipilitin ng PNP na pagkasyahin kung ano mang pondo mayroon sila para epektibong magampanan ng mga pulis ang kanilang tungkulin lalo na sa darating na barangay elections.
Bahagi ng paghahanda ng PNP para sa eleksyon ay ang mga masusing security measures sa ilalim ng tinatawag na SAFE-Alpha sa pamumuno ng concurrent PNP deputy chief for operations na si Deputy Director General Felipe Rojas Jr.
Ayon naman kay Armed Forces public affairs Chief Lt. Col. Ramon Zagala, tutulong din ang military at magde-deploy ng mahigit 800 tropa ng mga sundalo para magbantay katulong ang PNP. May 861 sundalo ang tutulong sa mga poll-related duties gaya ng pagsasagawa ng checkpoints, visibility patrols, pagtatayo ng assistance desks at pagbabantay sa mga voting centers.
ANG BARANGAY ang pinakamaliit na yunit ng pamahalaan sa ating lipunan. Ngunit, ito rin ang pinakamalapit sa tao. Ang mga barangay chairman at kagawad ang nagsisilbing galamay sa pamumulitika ng mga nakaupo sa mas mataas na puwesto.
Ito marahil ang mas malalim na dahilan kung bakit maging ang barangay election ay marahas na rin. Dapat ay maging mas mapanuri tayong mga botante kung sino ang iluluklok sa puwestong ito. Dapat ay pahalagahan natin ang eleksyon na ito gaya ng kung paaano natin binibigyang-halaga ang national elections.
Shooting Range
Raffy Tulfo