NOONG ISANG linggo pa pinag-uusapan ang panibagong insidente ng karahasan na ginawa sa isang MMDA traffic enforcer. Ngunit biglang naglabasan naman ang ilang mga taong di umano’y nabiktima naman ng nauna nang nabiktima ng MMDA enforcer na ito. Ang dalawa sa magaspang na ugaling lumabas sa biktima ayon sa mga nagrereklamo ay ang pangdudura at pagmumura nito sa mga motorista.
Sino na nga ba ang tunay na biktima rito? Sa isang banda ay hindi na rin siguro kailangang isipin kung sino ang tunay na biktima. Ang maliwanag dito ay ang patuloy na karahasan sa trapiko at mga banta sa buhay ng nagtatrapiko. Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, sa tuwing lalabas kayo sa kalsada ay tila normal na nga na makasasaksi tayo ng mga motoristang maiinit ang ulo dahil sa masikip na traffic, nag-aaway na mga driver dahil sa gitgitan at MMDA traffic enforcer na nanghuhuli ng driver.
Ang ilan sa mga mungkahing solusyon sa problemang ito ang pagbibigay sa mga traffic enforcers ng baril para maproteksyonan umano ang mga traffic enforcers at pagdaragdag ng mas mabigat na parusa sa mga lumalabag sa batas trapiko. Ang tanong ay kailangan nga ba ang mga ganitong bagay para maging maayos ang ating kalsada?
ANG PAGSUNOD daw sa isang batas ay depende sa nagpapasunod. Kung ang nagpapasunod ay pasaway rin at hindi marunong sumunod sa mga batas, dito nagiging problema ang pagpapatupad ng batas. Maaari ring ang nagpapatupad ay hindi alam kung papaano dapat ipatupad ang batas kaya naman lalong nagiging magulo ang kalsada sa pagtatalo ng traffic officer at hinuhuli nito.
Ang isang anggulong nakikita ko rito ay ang competency ng mga traffic enforcer. Hindi naman sa minamaliit natin ang ating mga traffic enforcers sa kalsada ngunit kailangan natin malaman kung saan ba galing at ano ang kuwalipikasyon ng mga taong ito. Marami nang pagkakataon na nakukuwestyon ang competency ng mga traffic enforcers natin. Kung sila ay manghuhuli ay may kakayahan kaya silang makita ang mali sa batas na nagawa ng isang motorista? Tila isa rin kasing isyu ang maling violation call na tinatawag ng mga traffic enforcers natin.
Karamihan din kasi sa mga private motorists ay propesyunal, doktor, abogado, propesor at engineers. Papaanong makikipag-argumento ang isang traffic officer sa mga ito kung hindi naman pala sila nakapagtapos ng kolehiyo? Ang punto ay dapat sigurong itaas ang antas ng propesyunalismo ng mga nare-recruit nilang traffc officers. Ang karamihan sa mga traffic enforcers ay galing sa gobyerno na ang mga item ay casual at walang civil service eligibility. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi nirerespeto ang mga ito.
DATI AY mga pulis ang nanghuhuli at pawang mga traffic helpers o traffic man ang mga MMDA traffic officers. Kaya lang sa paglipas ng panahon ay binigyan ng ibang mas seryosong trabaho hinggil sa kriminalidad at pagpapanatili ng kapayapaan ang ating kapulisan. Ngayon ay tama nga kaya na bigyan ng mga baril ang MMDA traffic enforcers para sila ay respetuhin gaya ng mga pulis?
Ang mga pulis ay mga propesyunal at may pagsasanay sa paghawak ng baril at mga responsibiidad sa pag-aari nito. Sa tingin ko’y mas magiging mapanganib ang ating kalsada kung hahawak na rin ng baril ang mga traffic enforcer dahil hindi sapat ang kanilang napag-aralan at training para humawak ng baril. Ang mangyayari riyan, kung magkakataong matuloy na armasan ang mga traffic enforcer ay magbabarilan lang ang mga ito at mga motoristang nagmamay-ari rin ng baril na animo’y nasa isang digmaan ang lahat.
Maging si MMDA Chairman Francis Tolentino ay hindi rin naman sang-ayon sa suhestyion na ito. Ang dapat pagbuhusan ng pansin aniya ay ang mabilis na pag-aksyon ng DOJ sa mga taong nang-aabuso sa mga traffic enforcer. Kung may nakikitang napaparusahan dahil sa karahasan sa kalsada ay tiyak na matatakot na ang marami na makisangkot sa karahasang ito.
SIGURO AY maigi na ngang ibalik sa mga kapulisan ang paghuli sa mga taong lumalabag sa batas-trapiko at mag-asiste na lamang ang mga MMDA sa pagpapaluwag ng traffic. Mas ginagalang kasi at kinatatakutan ang mga pulis kumpara sa mga traffic enforcer.
Dapat nga lang tiyakin ng hepe ng mga kapulisan na hindi sila aabuso sa pagiging pulis at ititigil na ang dati nang problema ng mga pangongotong ng ilang tiwaling pulus. Ang patuloy na paglilinis ng mukha ng kapulisan ay mapabibilis kung makikitang ang mga bagong pulis ay talagang nagbago na dahil napagkakatiwalaan sila sa kalsada.
Maaari itong gamitin ng PNP para mabago ang imahen ng mga tao sa kapulisan. Kung makikita ng mga tao na matitinong nagpapatupad lamang ng batas trapiko ang mga pulis ay maibabalik agad ang nawalang tiwala ng mga tao sa kapulisan. Sana ay pag-isipan ito ng ating pamahalaan.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong nga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo