SIMULA nang lumipat si Lauren Young sa bakuran ng GMA mula ABS-CBN almost a decade ago, nalinya na ang dalaga sa mga kontrabida roles. Ilan sa mga artistang ‘inapi’ niya ay sina Louise delos Reyes, Janine Gutierrez, Glaiza de Castro, Yasmien Kurdi at kahit ang kapatid na si Megan Young.
Dalawang taon na rin ang nagdaan nang huling lumabas si Lauren sa morning drama series na ‘Hiram na Anak’ na pinagbidahan ni Yasmien Kurdi. Ever since the pandemic ay sa vlogging at gaming nag-concentrate si Lauren. Naging open naman ito sa kanyang recent interviews na nag-iba na rin ang priorities ngayon at hindi rin niya ikinaila na ang kanyang timbang ang isa sa mga naging insecurities niya kaya siya nag-lielow sa showbiz.
Masasabi namin na good comeback project para sa magaling na aktres ang mini-series na ‘Stories From The Heart: Never Say Goodbye’, kung saan gumaganap siya bilang Victoria, ang legal and martyr wife ni Bruce (Jak Roberto) na humiling kung maaari niyang makasama ang ex-girlfriend niyang si Joyce (Klea Pineda) na may breast cancer at may taning na ang buhay.
Ayon sa mga regular viewers ng show, impressed sila kay Lauren dahil nasanay sila na laging kontrabida ang ginaganapan nito, pero kaya rin pala niya maging martyr at talagang nakikisimpatya sila sa kanyang karakter bilang martyr na asawa. Sambit pa nga ng ilan, kung magaling ka talagang artista, bibigyan at bibigyan ka ng trabaho. In this case ay mukhang hinabol pa nila si Lauren para tanggapin ang proyektong ito.
Sa mga hindi nakakaalam, nakabase na ngayon si Lauren sa Subic, Olongapo. Malaking factor din ang lock-in tapings para mas comfortable din ang dalaga sa pagbabalik-trabaho dahil at least ay may guaranteed accommodation siya.
Nasa huling linggo na ang Stories From The Heart: Never Say Goodbye. Sana ay hindi mag-goodbye si Lauren sa kanyang showbiz career at mabigyan pa ito ng follow up project ng kanyang home network because she deserves it!