Dear Atty. Acosta,
AKO PO ay kasal at may isang anak. Nagpakasal po ako noong 2001 ngunit naghiwalay rin kami ng asawa ko noong 2004 dahil sinasaktan niya ako at ang aming anak. Natatakot ako na baka kunin niya ang aming anak. Ano ba ang gagawin ko? Kailangan ko bang ipawalang-bisa ang aming kasal o magpakasal uli para hindi niya makuha ang aming anak?
Gian
Dear Gian,
BAWAT LEHITIMONG bata ay may karapatang lumaki sa piling ng kanyang mga magulang. Ganon din sa mga magulang, sila ay may karapatan at responsibilidad na alagaan at palakihin ang kanilang anak. Ang kapangyarihan ng mga magulang para alagaan at palakihin ang kanilang anak ay tinatawag na parental authority. Ayon sa Artikulo 209 ng Family Code, “parental authority and responsibility shall include the caring for and rearing of such children for civic consciousness and efficiency and the development of their moral, mental and physical character and well-being.”
Ang kaparatan para sa kustodiya ng isang bata ay napapaloob sa parental authority. Kapag lehitimo ang isang anak, ang parental authority ay nasa mga magulang ayon sa Artikulo 211 ng Civil Code na nagsasaad na “the father and the mother shall jointly exercise parental authority over the person of their common children.” Samantala, ang kustodiya ng hindi lehitimong anak ay nasa ina ayon sa Artikulo 176 ng Family Code.
Hindi kinakailangan na magsampa ka ng petisyon para mapawalang-bisa ang iyong kasal o magpakasal muli upang mapunta ang kustodiya ng anak mo sa iyo. Maaaring maigawad ang kustodiya ng iyong anak sa iyo kahit ikaw ay kasal pa sa iyong asawa. Sa kadahilanang ikaw at ang iyong asawa ang may parehong karapatan sa kustodiya ng inyong anak, kinakailangan mong magsampa ng pormal na petisyon sa korte para hingin ang solong kustodiya ng iyong anak. Ayon sa Section 3 ng Rule on Custody of Minors and Writ of Habeas Corpus of Minors na ilinabas ng Supreme Court, ang petisyon para hingin ang kustodiya ng anak ay isinasampa sa Regional Trial Court ng lugar kung saan nakatira ang Petitioner o kung saan matatagpuan ang bata.
Titingnan ng korte na didinig sa kaso ang best interests ng bata bago ito magbaba ng desisyon kung kanino ibibigay ang kanyang kustodiya. Ang best interests ng bata ay ang “totality of the circumstances and conditions as are most congenial to the survival, protection, and feelings of security of the minor encouraging to his physical, psychological, and emotional development” (Section 14, Rule on Custody of Minors and Writ of Habeas Corpus of Minors). Isasaalang-alang din ng korte ang edad ng bata sapagkat ang kustodiya ng batang pitong gulang at pababa ay dapat mapunta sa kanyang ina maliban na nga lang kung ang ina ay walang kakayahan para alagaan ang kanyang anak o makita ng korte na hindi makabubuti para sa bata na lumaki sa kanyang ina.
Sa desisyon, maaaring utusan ng korte ang mga magulang o isa sa kanila na magbigay ng suporta sa anak kahit sino pa ang italaga nito para sa kustodiya ng bata (Section 18, SC, Rule on Custody of Minors and Writ of Habeas Corpus of Minors).
Ngunit kapag nais mo rin na ipawalang-bisa ang kasal mo sa iyong asawa, maaari mong isama sa nasabing petition ang paghingi sa kustodiya ng iyong anak upang hindi ka na magsampa ng petisyon para rito.
Malugod po namin kayong inaanyayahan na manood ng “Public Atorni” sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, sa ganap na 4:30 ng hapon.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta