Dear Atty. Acosta,
MAY NAANAKANG 19 anyos ang aking anak. Sa ngayon ay ayaw pa ng anak ko na pakasalan siya. Ang anak ko ay isang seaman at mula nang mabuntis niya ang nasabing babae ay nagsimula na siyang magbigay ng sustento rito. Hanggang manganak ang babae ay ang anak ko pa rin ang sumagot sa gastos at lahat ng pangangailangan ng mag-ina ay kanyang ibinibigay. Nakapirma sa birth certificate ng bata ang anak ko bilang ama nito. Sa ngayon ay nakasakay sa barko ang aking anak at naiwan sa amin ang kanyang mag-ina, subalit sila ay umalis sa aming poder at bumalik sa kanyang magulang. Ano po ba ang karapatan ng anak ko sa kanyang anak kahit hindi siya kasal sa nanay ng bata? Ano ang dapat naming gawin para protektahan ito?
Edna
Dear Edna,
ANG PAGPIRMA ng iyong anak sa Birth Certificate ng bata ay nagpapakita na ito ay kanyang kinikilala bilang isang anak at maaaring magamit ang apelyido ng ama ng bata. Dahil dito, ang bata ay mayroong karapatang humingi ng suporta sa kanya. Ang pagkilala ring ito ang nagbibigay ng obligasyon sa iyong anak na bigyan ng suporta ang bata alinsunod sa probisyon ng Article 194 at 195 ng Family Code of the Philippines.
Sapagkat hindi kasal ang iyong anak at ang ina ng bata, ang bata ay isang ilehitimong anak. Sa ganitong pagkakataon, sinasaad ng Family Code na ang pagtataglay ng parental authority sa bata ay nasa kanyang ina lamang. (Article 176, Family Code of the Philippines) Kung kaya ang kustodiya o ang pagkukupkop at pag-aalaga sa bata ay mapupunta sa kanyang ina. Ganu’n pa man, hindi ito nangangahulugang walang karapatan sa bata ang iyong anak. Siya ay may karapatang bisitahin ito sa oras at araw na napagkasunduan o itinakda ng korte. Ang karapatang ito ay napapaloob sa sinasaad ng Saligang Batas patungkol sa institusyon ng pamilya na kung saan kinikilala ang likas at natural na karapatan ng mga magulang sa kanilang mga anak. Sa kabila ng hindi pagkakasundo o pagkawala ng matamis na pagtitinginan ng kanilang mga magulang, ang ugnayan at pagmamahalan ng anak at magulang ay hindi nagbabago. Kung kaya hindi maaaring tanggalin ito ng batas o ng hukuman, maliban na lamang kung mayroong mabigat na kadahilanan na makakasama sa paglaki o kapakanan ng bata. (Joey D. Briones vs. Maricel P. Miguel, G.R. No. 156343, October 18, 2004, 440 SCRA 455)
Sa ngayon ay hindi ninyo maaaring ipilit sa ina ng bata ang karapatang ito sapagkat tanging ang iyong anak lamang ang may karapatang gawin ito. Sa sandaling siya ay bumalik na rito sa Pilipinas, maaari niyang dalawin ang kanyang anak at kung ito ay ipagkakait sa kanya, maaari siyang dumulog sa korte para mabigyan siya ng pagkakataong makita ang kanyang anak.
Nawa ay naliwanagan kayo sa aming pagtugon sa inyong mga katanungan.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta