Dear Atty. Acosta,
GUSTO KO PO sanang isangguni sa inyo ang katayuan ko sa ngayon at ang karapatan ng anak ko na humingi ng sustento sa kanyang ama.
Legal po kaming mag-asawa mula ng 1992. Napag-desisyunan ko pong iwanan ang asawa ko at isinama ko ang aming nag-iisang anak noong September 2007 dahil sa maraming bagay ka-ming hindi napagkakasunduan. Mula nang umalis kami ng anak ko ay hindi ko na nakausap nang maayos ang aking asawa tungkol sa sustento niya sa bata, kahit na tulong man lang para sa pag-aaral ng anak naming, samantalang regular naman siya sa pinapasukan niya at hindi hamak na mas mataas ang sahod niya sa akin. Maaari pa ho ba akong humingi ng sustento sa ama ng anak ko kahit na ako ang umalis sa poder niya at wala namang third party na involved? Ano po bang hakbang ang p’wede kong gawin para makahingi sa aking asawa ng sustento para sa aming anak na gagamitin naman para sa kinabukasan ng bata?
Ruby Ann
Dear Ms. Ruby Ann,
BAGO ANG LAHAT, mahalagang malaman mo kung ano ang binubuo ng tinatawag na support. Nakasaad sa Artikulo 194 ng Family Code na: “Art. 194. Support comprises everything indispensable for sustenance, dwelling, clothing, medical attendance, education and transportation, in keeping with the financial capacity of the family. x x x”
Mahalaga ring malaman mo ang mga taong may obligasyong magbigay ng suporta sa isa’t isa. Ayon sa Artikulo 195 ng Family Code, ang mag-asawa ay may obligasyong magbigay ng suporta sa isa’t isa, gayundin ang mga magulang at ang mga anak nito, lehitimo man o hindi.
Samakatuwid, batay sa mga nabanggit na batas, maaari kang humingi ng suportang pinansyal mula sa iyong asawa para sa mga pangangailangan ninyong mag-ina. Subalit maaaring maging hadlang ang iyong kusang-loob na pag-alis sa inyong tahanan nang walang sapat na dahilan para ikaw ay bigyan ng suportang pinansyal ng iyong asawa. Naaayon ito sa ilang desisyon ng ating Korte Suprema kung saan ipinahayag na kung ang asawang babae ay umalis ng kanilang tahanan at iniwan ang asawa nang walang legal o sapat na dahilan, maaaring hindi magbigay ng suportang pinansyal ang lalaki sa kanyang asawa.
Gayunpaman, hindi maaaring ipagkait ng iyong asawa ang suportang pinansyal na obligado siyang ibigay sa inyong anak. Sa pagkakataong ayaw magbigay ng suportang pinansyal ang iyong asawa para sa inyong anak, maaari kang magsampa ng kasong “Action for Support”. Dito ay aalamin ng hukuman ang mga pangangailangan ng inyong anak at kung magkano ang kinikita ng ama nito at ilang porsyento ng kanyang kita ang dapat niyang ibigay bilang suporta sa inyong anak.
Paalala lamang na mahalagang makapag-judicial o extrajudicial demand ka sa iyong asawa alinsunod sa Article 203 ng Family Code upang magsimula na ang pagtakbo ng oras na obligado nang magbigay ng suportang pinansyal ang iyong asawa sa inyong anak sapagkat maaaring pansamantalang ipagkait ng iyong asawa ang suportang pinansyal para sa inyong anak kung walang judicial o extrajudicial demand.
Kaugnay nito, ikaw ay aming pinapayuhan na magpadala kaagad ng isang demand letter sa iyong asawa kung saan ikaw ay humihingi ng suporta para sa iyong anak. Ito ay tinatawag na extrajudicial demand. Sa oras na hindi siya tumugon sa nasabing demand letter, maaari mo na siyang sampahan ng kasong “Action for Support”. Ito naman ang tinatawag na judicial demand. Maaari mong isampa ang nasabing aksyon sa hukuman na nakasasakop sa lugar kung saan ka nakatira.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta