Dear Atty. Acosta,
AKO AY matagal na ninyong tagasubaybay rito sa Pinoy Parazzi. Ang nais kong itanong ay may kaugnayan sa aking anak at sa kanyang ama. Isinilang ang aking anak noong 2009. Hindi kami kasal ng kanyang ama at umalis ito patungong Qatar noong tatlong buwan pa lamang ako buntis. Nagpadala siya ng sustento hanggang buwan ng Agosto 2009 ngunit wala nang sumunod matapos iyon. Noong Oktubre 2009 ay nakatanggap ako ng computerized na acknowledgment letter mula sa kanya bilang pagkilala niya sa aming anak at pagpayag na gamitin ang kanyang apelyido. Subalit sa huli naming pag-uusap, ang sabi niya ay bahala na raw ako sa aming anak. Nabalitaan ko na lamang na nagpakasal na siya sa dati niyang nobya sa Cavite. Marahil po ginawa niya iyon upang hindi na kami makapaghabol sa kanya. Nais ko pong malaman kung mayroon bang karapatan ang anak ko na humingi ng sustento mula sa kanya? Magagamit ko po ba ang sulat na ipinadala niya kahit na ito ay computerized? Hindi ko pa po kasi naiparehistro ang kapanganakan ng anak ko dahil marami po akong ibang inaasikaso. Maaari ko rin po bang ireklamo ang ama ng anak ko sa ginawa niya sa aming pang-iiwan?
Ariel
Dear Ariel,
NAILAHAD MO sa iyong sulat na hindi kayo kasal ng ama ng iyong anak. Kung kaya’t masasabi natin na hindi lehitimo ang kanilang relasyon bilang mag-ama. Magkagayon pa man, maaari pa ring humingi na pinansyal na suporta ang isang hindi lehitimong anak. Ayon sa Executive Order No. 209, o ang Family Code of the Philippines, mayroong obligasyon ang mga magulang na bigyan ng suporta ang kanilang hindi lehitimo anak o illegitimate child. (Artikulo 195 (4), id) Subalit, bago maigiit ang nasabing obligasyon sa magulang, mahalaga na mapatunayan muna ng anak o ng magulang na nangangalaga sa kanya ang kanilang illegitimate filiation. Batay sa Artikulo 175, id, “Illegitimate children may establish their illegitimate filiation in the same way and on the same evidence as legitimate children.” Sapagkat wala pang rehistro ng kapanganakan o birth certificate ang iyong anak, maaaring mapatunayan ang kanilang relasyon o filiation sa pamamagitan ng pampublikong dokumento o pribadong dokumento na sulat-kamay at pinirmahan ng kanyang ama. (Artikulo 172 (2), id)
Sa punto naman ng paggamit ng iyong anak sa apelyido ng kanyang ama, pinapahintulutan ito ng ating batas. Ngunit, mahalaga na mayroon kang patunay ng pagkilala mula sa kanyang ama. Ayon sa Section 1 ng Republic Act No. 9255 “x x x illegitimate children may use the surname of their father if their filiation has been expressly recognized by the father through the record of birth appearing in the civil register, or when an admission in a public document or private handwritten instrument is made by the father. x x x”
Dahil ang sulat na ibinigay sa iyo ng ama ng iyong anak ay hindi niya sulat-kamay, hindi ito maaaring tanggapin bilang “private handwritten instrument” na hinihingi ng mga nasabing batas. Subalit kung ang nasabing computerized acknowledgment letter ng ama ng iyong anak ay duly authenticated ng embahada ng Pilipinas sa bansang Qatar, maaaring masabi na ito ay pampublikong dokumento at magagamit bilang patunay sa kanyang pagkilala sa inyong anak. Maaari mo itong gamitin upang maiparehistro ang iyong anak gamit ang apelyido ng kanyang ama at magagamit mo rin ito bilang patunay na mayroon siyang karapatan na mabigyan ng suporta. Kung hindi magbibigay ang kanyang ama ng suporta, maaari kang magsampa ng petition for support sa hukuman. Kung sadyang tinalikuran na siya ng kanyang ama ay maaari ka namang magsampa ng reklamo alinsunod sa Republic Act No. 9262 o ang “Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004” dahil sa economic abuse na kanyang ginagawa sa kanyang anak. (Section 5, (i), id)
Sa mga nabanggit na hakbang, kinakailangan mapatunayan mo sa hukuman ang relasyon o filiation ng iyong anak sa ama nito.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta