Karapatan ng Ibang Kapatid sa Lupain ng Magulang

Dear Atty. Acosta,

NANG MAMATAY po ang aking lolo at lola ay may naiwan silang ilang lupain sa Zambales. Tanging ang tiyo ko lamang po ang nakikinabang sa mga lupang ito dahil sa kanya tumira ang aming lolo at lola noong sila ay nabubuhay pa. Wala po bang karapatan ang aming tatay at ang iba pa nilang kapatid sa mga lupang ito?

Patricia

 

Dear Patricia,

SA PAGPANAW ng iyong lolo at lola, ang kanilang mga ari-arian ay mapupunta sa kanilang mga anak sa pamamagitan ng tinatawag na succession. Ang succession ay isang paraan ng pagmamay-ari kung saan ang lahat ng ari-arian, karapatan at obligasyon ng isang namayapa na ay malilipat sa kanyang mga tagapagmana sa pamamagitan ng kanyang huling habilin (last will and testament) o sa pamamagitan ng ating batas (Article 774, Civil Code of the Philippines).

Ang karapatang magmana ng iyong ama mula sa kanyang mga magulang at ang laki ng bahagi ng mana na kanyang matatanggap ay ibabatay sa kanyang estado bilang isang legitimate o illegitimate na anak. Kung siya ay legitimate na anak, ang mga ari-ariang naiwan ng iyong lolo at lola ay hahatiin nang pantay-pantay sa pagitan ng iyong ama at ng kanyang mga lehitimong kapatid. Sa kabilang banda, ang isang illegitimate na anak ay maaari lamang magkaroon ng karapatang magmana sa magulang na kumikilala sa kanya bilang isang illegitimate na anak. Ayon sa Art. 172 ng Civil Code of the Philippines, ang isang illegitimate child ay kailangang kilalanin sa pamamagitan ng paglagda sa birth certificate nito o sa isang pinal na desisyon ng hukuman. Maaari ring kilalanin ang isang illegitimate child sa isang pampublikong dokumento o sa isang pribadong dokumento na nasa sulat kamay ng magulang na kumikilala. Ang iba pang paraan ng pagkilala ay sa pamamagitan ng kanyang bukas at patuloy na pagtamo ng estado ng isang illegitimate child sa loob ng mahabang panahon at iba pang mga paraan na pinapayagan ng ating Rules of Court. Ang bahagi ng isang illegitimate na anak na kinilala ng kanyang magulang ay katumbas ng kalahati ng bahagi ng isang legitimate na anak (Art. 894, Civil Code of the Philippines)

Kung ang iyong ama ay isang legitimate na anak o illegitimate na anak na kinilala ng kanyang mga magulang, siya ay kabilang sa mga legal na tagapagmana ng kanyang mga magulang (Art. 887, Civil Code of the Philippines). Bilang isang legal na tagapagmana, mayroon siyang karapatan sa mga ari-ariang naiwan ng kanyang mga magulang.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleParazzi Tawanan 01/14/13
Next articleBong Revilla, kinarir ang bagong serye

No posts to display