Dear Atty. Acosta,
NAGTATRABAHO AKO sa isang factory bilang isang piece-rate employee. Tama po ba na magtrabaho kami ng 16 oras sa isang araw kapag may hinahabol na shipment? Hindi po namin alam ang output namin o iyong produktong nagawa namin sa bawat araw. Paano po ba ito? Sana po ay mapaliwanagan ninyo ako. Salamat po.
Aira
Dear Aira,
ANG PIECE-RATE employee ay isang uri ng empleyado na gumagawa ng produkto kung saan ang proseso ng paggawa ay paulit-ulit lang at ang resulta ay madaling mabilang. Ang ganitong empleyado ay sumasahod ayon sa bilang ng produktong natapos. Ang probisyon sa Artikulo 83 ng Labor Code na nagsasaad na “bawat empleyado ay maaari lang magtrabaho hanggang walong oras” ay hindi maaaring gamitin sa mga piece-rate employee. Ang basehan kasi ng kanyang sahod ay hindi ayon sa oras na kanyang ginugol sa pagtatrabaho kundi sa bilang o dami ng produktong nagawa niya. Dahil dito ang isang piece-rate employee ay walang karapatang makatanggap ng overtime pay, night shift differential, premium on rest day and holiday, holiday pay at service incentive leave (Title I, Book III ng Labor Code). Kaya kahit pa 16 na oras o mahigit walong oras ang iyong pagtatrabaho ay hindi ka makatatanggap ng mga nasabing benepisyo. Ang output o natapos na produkto ng piece-rate employee na binabanggit dito ay dapat ginawa ayon sa pamantayan at paraan na ibinigay ng Labor Code o ang rate ng mga produkto ay sumusunod sa inilahad na rate ng Secretary of Department of Labor. (Section 2 [e] Rule I Book III, Rules Implementing the Labor Code).
Binanggit mo rin na hindi ninyo alam kung ilan ang output o kabuuang produktong natapos ninyo sa bawat araw. Ayon sa Section 10, Rule X, Book III ng Rules Implementing the Labor Code, ang employer ng isang piece-rate employee ay kinakailangan na magkaroon ng rekord ng produktong ginawa sa bawat araw, kabuuang kita para sa ginawang produkto at bilang ng oras na nagtrabaho ang nasabing empleyado. Kinakailangan na nakalagay sa rekord ang pirma o thumbmark ng empleyado.
Sa iyong kaso, kailangan ninyo munang kausapin ang employer ninyo para ipagbigay-alam ang inyong hinaing. Ang nakikita naming problema rito ay hindi ninyo alam ang kabuuang bilang ng output o natapos na produkto sa bawat araw. Karapatan ninyong malaman ito dahil nakadepende o nakasalalay ang inyong sahod sa output ninyo. Kapag hindi pa rin ginawa ng employer ang kanyang responsibilidad na itala at ipagbigay-alam sa inyo ang output o natapos na produkto, makabubuti kung sumangguni na kayo sa Department of Labor and Employment para ito ay mabigyang-pansin at maaksiyunan ng ahensiya.
Malugod po namin kayong inaanyayahan na manood ng “Public Atorni” sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, sa ganap na 4:30 ng hapon.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta