Dear Atty. Acosta,
ANO PO BA ang mga karapatan ng isang taong “Under Custodial Investigation”? – Anthony
Dear Anthony,
SA ILALIM NG ating Saligang Batas at ng Republic Act No. 7438 o mas kilala sa tawag na “An Act Defining Certain Rights of Person Arrested, Detained or Under Custodial Investigation As Well As the Duties of the Arresting, Detaining, And Investigating Officers And Providing Penalties Thereof”, naging polisiya ng ating estado na bigyang-halaga ang dignidad ng bawat tao at bigyan ng kasiguraduhan at pangangalaga ang mga karapatang pantao.
Binibigyang-garantiya ng estado sa pamamagitan ng RA 7438 at Seksyon 12 Artikulo III ng 1987 Philippine Constitution ang iba’t ibang karapatan ng mga taong inaresto, nakadetine at nasa ilalim ng “custodial investigation”. Sakop ng sinasabing “custodial investigation” ang pagbibigay ng imbitasyon sa isang taong pinaghihinalaang gumawa ng isang krimen upang siya ay maimbestigahan ukol dito. Ang taong ito ay isasailalim sa kustodiya ng mga pulis o awtoridad para sumagot sa isinasagawang imbestigasyon na may kinalaman sa isang krimeng naganap. Kapag ang isang tao ay sumasailalim na sa pagtatanong ng mga awtoridad sa kung anong kinalaman niya sa isang krimen o ang nasabing tao ay mawalan na ng kalayaan para gumalaw nang ayon sa kanyang kagustuhan, dito na papasok ang garantiya ng ating Saligang Batas at RA 7438 para maprotektahan ang mga karapatan ng nasabing tao na sumasailalim sa pagtatanong.
Ayon sa mga batas na nabanggit, ang isang tao na isinasailalim sa isang custodial investigation ay may karapatang manahimik, magkaroon ng isang mahusay at independiyenteng abogado na kanyang pinili. Siya rin ay may karapatang mabasahan o masabihan ng kanyang mga karapatang manahimik at magkaroon ng sariling abogado.
Kung ang isang inimbestigahan ay walang kakayahang makakuha ng kanyang sariling abogado o walang “available” na sariling abogado, may kara-patan siyang mabigyan ng estado ng isang abogado. Dito nabibigyang halaga ang papel na ginagampanan ng Public Attorney’s Office na legal aid office ng estado sa pagsulong ng hustisya sa bayan. Ang mga karapatang ito ay hindi maaaring talikdan (waive) ng isang taong iniimbestigahan maliban lamang kung ang pagtalikod dito ay nakasulat at ginawa sa harap ng isang abogado. Sa isang imbestigasyon, mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng awtoridad na nag-iimbestiga ng dahas, pamimilit, pananakit, pananakot, pagpapahirap o anumang paraan na maaaring makaimpluwensiya sa inimbestigahan na magbigay ng impormasyong labag sa kanyang kalooban at pag-iisip. Anumang uri ng pag-amin na makuha sa ganitong paraan na may paglabag sa Constitution ay hindi maaaring gamiting ebidensiya laban sa umamin sa kahit saang hukuman.
May karapatan din ang iniimbestigahan na mabisita ng kanyang mga malalapit na kaaanak, ma-ging ng kanyang doktor, pari o ministro ng relihiyong kanyang kinabibilangan na kanyang mapili. May karapatan din siyang madalaw ng kanyang abogado o ng isang pribadong organisasyon na kinikilala ng Commission on Human Rights. Kabilang sa mga malalalapit na kaanak ang asawa, nobyo o nobya, magulang, anak, kapatid, lolo, tito, tita, pamangkin, guardian, ward o apo.
Ang mga pulis o awtoridad na nag-iimbestiga na lumabag sa mga isinasaad na probisyon ng mga nasabing batas, partikular ng pagsasabi ng karapatan ng iniimbestigahan na may karapatan siyang hindi magsalita o manahimik dahil anumang kanyang sasabihin ay maaaring gamitin laban sa kanya, at ng kanyang karapatang magkaroon ng sariling abogado, ay maaaring maparusahan na magbayad ng P6,000 na multa o pagkakakulong ng 8-10 taon o parehong multa at pagkakakulong.
Parehong kaparusahan din ang igagawad sa mga awtoridad na hindi nagbigay ng abogado sa nasabing iniimbestigahan kapag ang huli ay walang kakayahang kumuha ng kanyang sariling abogado.
May kaparusahan din ang pagbabawal na madalaw ang iniimbestigahan ng kanyang mga kaanak, abogado, doktor o pari na kanyang ipinatawag.
Sa lahat ng oras na nangyayari ang naturang pagsisiyasat o pagtatanong, ang mga pulis o awtoridad na nagsasagawa nito ay dapat na palagiang isaalang-alang ang mga nasabing karapatan dahil ang anumang paglabag dito ay may katumbas na kaparusahan.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta