Dear Atty. Acosta,
MAY ANAK PO ako na 6 years old ngunit hindi po kami kasal ng nanay niya. Sa kasamaang palad, nagkahiwalay kami noong ako ay nasa abroad. Ayaw po niya akong ipakilala bilang ama ng anak ko sa kadahilanang may iba na po siyang kinakasama at ayaw rin po niyang nakikita at nilalapitan ko ang anak ko. Hindi ko na rin po nabibigyan ng obligasyon ang anak ko dahil sa sitwasyon. Tama lang po bang hayaan na lang po namin ang ganu’ng sitwasyon? Salamat po sa inyong tulong. – Alex
Dear Alex,
ANG SITWASYONG IYONG kinalalagyan sa ngayon ay malimit mangyari sa mga dating magkarelasyon. Ang naging bunga ng inyong pagmamahalan nang walang basbas ng kasal ay kinikilala ng batas
bilang ilehitimong anak ninyong dalawa ng dati mong karelasyon. Subalit kinikilala ng batas ang ina nito bilang tanging magulang niya, sapagkat ayon sa batas, ang tinatawag na “parental authority” patungkol sa mga ilehitimong anak ay nasa kanilang ina lamang (Article 176, Family Code of the Philippines).
Dahil dito, ang kustodiya o ang pagkukupkop at pag-aalaga sa bata ay mapupunta sa kanyang ina. Ganu’n pa man, hindi ito nangangahulugang wala kang karapatan sa iyong anak. Ikaw ay may karapatang bisitahin ito sa oras at araw na napagkasunduan o itinakda ng korte. Ang karapatan na ito ay napapaloob sa sinasaad ng Saligang Batas patungkol sa institusyon ng pamilya, kung saan kinikilala ang likas at natural na karapatan ng mga magulang sa kanilang mga anak. Sa kabila ng hindi pagkakasundo o pagkawala ng matamis na pagti-tinginan ng kanilang mga magulang, ang ugnayan at pagmamahalan ng anak at magulang ay hindi nagbabago. Kung kaya hindi maaaring tanggalin ito ng batas o ng hukuman, maliban na lamang kung mayroong mabigat na kadahilanan na makakasama sa paglaki o kapakanan ng bata. (Joey D. Briones vs. Maricel P. Miguel, G.R. No. 156343, October 18, 2004, 440 SCRA 455)
Kapalit ng obligasyon mong siya ay bigyan ng suporta, maaari mo siyang madalaw depende sa usapan ninyo ng kanyang ina o sa kautusan ng
korte. Kung hindi ka papayagan ng kanyang ina na madalaw o makita man lamang ang iyong anak, maaari kang dumulog sa korte para kahit papaano ay mabigyan ka ng pagkakataon na makapiling ang iyong anak kahit na sa maikling panahon lamang.
Sa huli, ikaw rin ang makakasagot sa iyong katanungan. Kung papayag ka sa gustong mangyari ng dati mong ka-live in, wala kang dapat gawin kundi sundin iyon. Ngunit kung susundin mo ang iyong kasabikang makita ang iyong anak, dagdag pa rito ang likas mong pagmamahal sa kanya, gagawa ka ng paraan para maobliga ang kanyang ina na bigyan ka ng pagkakataong kayo ay magkita at makapag-usap man lamang. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng paghingi ng tulong sa korte.
Nawa ay nagabayan ka namin sa pamamagitan ng opinyong ito.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta