Dear Atty. Acosta,
MAGANDANG UMAGA po. Itatanong ko lang po kung may karapatan ba ako sa aking asawa na mayroon nang ibang kinakasama. Kami po ay kasal sa huwes at may tatlong anak na babae. Noon po ang pagkakaalam ko ay nakulong siya sa Saudi kaya hindi nakakapagpadala sa amin subalit hindi naman po pala totoo na nakulong siya. Taun-taon po ay umuuwi siya sa Zamboanga. Iyon pala, ang alam ng kanyang pamilya na may ibang asawa na ito at mayroon na rin pong isang anak. Hindi po ako nagsasalita dahil ang mga kapatid niya ay nagbibigay sa amin ng kaun-ting pera. Subalit noong umuwi siya rito last 2008 ay sinabi niya sa akin na hiwalay na raw po kami. Nagulat po ako. Pinaalis ako ng biyenan ko sa bahay namin dahil sa kanila po iyon at nagsalita siya na kukunin ang dalawang anak ko na ang edad ay 14 at 12. Ang bunso ko raw ay isama ko na lang sa bahay ng mga nanay ko. Hindi po sumama ang mga anak ko. Sa ngayon po ay nagpapadala naman ang asawa ko kaya lang ay kulang ito. Nasa Saudi po siya at maganda ang trabaho niya. Ang sustento po namin buwan-buwan ay P10,000 sa tatlong bata. Kinukuha ko po iyon sa kapatid niyang bunso. Ano po ba ang dapat kong gawin para sa amin na lang niya ito ipadala at ano po rin ang karapatan ko bilang asawa niya, kasi ayaw niyang dagdagan ang pera na pinapadala niya dahil hindi naman daw ako kasali? May karapatan po ba ako sa kinikita niya?
Maraming salamat po.
Lubos na gumagalang,
Lissa
Dear Lissa,
AYON SA batas, ang mag-asawa ay mayroong obligasyong suportahan ang isa’t isa at ang kanilang mga anak. (Art. 195, Family Code of the Philippines) Malinaw na may obligasyon kayong suportahan ng inyong asawa sampu ng inyong mga anak lalo na kung siya lamang sa inyong dalawa ang mayroong trabaho.
Ayon din sa batas, ang halaga ng pi-nansyal na suporta na maaaring hilingin sa dapat magbigay ng suporta ay naaayon sa kakayanang magbigay ng may obligasyong magbigay ng suporta at sa pangangailangan
ng humihiling. (Article 201, Family Code of the Philippines) Kung hindi na makuha sa maayos na pag-uusap ang inyong paghingi ng karagdagang suporta o kahit magkasundo pa kayo sa halaga ng suporta, ito naman ay hindi tinutupad ng inyong asawa, maaari kayong magsampa ng kaukulang petisyon sa hukuman upang humingi ng karagdagang pinansyal na suporta mula sa inyong asawa.
Matapos magsampa ng kaukulang aksyon sa hukuman at pagkatapos ng mga pagdinig dito, ang hukuman na, sa ganitong sitwasyon, ang mag-uutos sa inyong asawa kung magkano ang halaga ng suportang pinansyal na dapat nitong ibigay sa inyo at sa inyong mga anak. Ang desisyon ng hukuman ay naaayon pa rin sa ebidensiyang inyong ihaharap dito at sa nabanggit na batas. Maaari rin ninyong hilingin sa hukuman na ipag-utos na sa inyo ipadala o ibigay ang suportang pinansiyal at hindi ito padaanin pa sa kapatid ng inyong asawa.
At dahil na rin sa nakadepende ang halaga ng suporta sa kakayahan ng dapat magbigay at sa pangangailangan ng humihiling, maaaring magbago o baguhin ng hukuman ang desisyon nito ayon na rin sa pagbabago sa mga nabanggit. Samakatuwid, kapag nagbago ang katayuang pinansyal ng nagbibigay ng suporta, maaaring tumaas o bumaba ang halaga ng suporta na ibibigay sa dapat suportahan. Gayun din naman kung nagbago ang mga panga-ngailangan ng mga humihiling. (Article 202, Family Code of the Philippines)
Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyon na ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong ibang maidagdag.
Nawa’y kami ay nakatulong na maliwanagan kayo sa inyong suliranin.
Halinang manood ng “PUBLIC ATORNI: ASUNTO O AREGLO” tuwing LUNES, 9:20 pm sa AksyonTV.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta