Dear Atty. Acosta,
PUMANAW ANG aking asawa. Naiwan niya sa akin ang tatlo naming anak. Kamakailan ay napag-alaman ko na kumuha pala siya ng life insurance. Nang subukan kong kuhanin ang benepisyo, ang sabi sa akin ng ahente ay wala raw akong karapatan. Tama ba iyon? Legal naman niya akong asawa at lehitimo ang aming mga anak. Sana ay mapaliwanagan ninyo ako. Maraming salamat po.
Mr. Jayson
Dear Mr. Jayson,
ANG INSURANCE ay isang kasunduan sa pagitan ng taong kumuha nito na tinatawag na insured at ng kumpanya na nagbibigay nito. Ito ay kadalasang kinukuha para sa kaseguruhan ng insured o ng taong makikinabang dito. Nakasaad sa polisiya ang lahat ng obligasyon ng bawat partido, kasama na rito ang benepisyong makukuha ng taong pinaglaanan ng nasabing polisiya. Maaaring ilaan ang benepisyo sa taong kumuha ng polisiya, sa kanyang asawa o anak, o sa kahit na sinong tiyak na tao na kanyang naisin.
Sa iyong sitwasyon, mahalaga na mabasa mo nang maigi ang nilalaman ng polisiyang kinuha ng iyong asawa upang lubusan mong malaman kung ano ang karapatan mo o ng iyong mga anak sa mga benepisyo nito. Sa puntong ito, hindi pa natin maaaring masabi kung tama o mali ang sinabi sa iyo ng ahente ng kumpanya sapagkat kailangan mong malaman kung mayroon ba o walang beneficiary na nakasaad sa polisiya ng iyong asawa. Ang beneficiary ay ang taong nakapangalan sa polisiya na siyang pagbibigyan ng benepisyo sa oras na pumanaw ang taong kumuha nito o mangyari ang kondisyong nakasaad dito.
Kung nakasaad sa polisiya na ikaw o ang inyong mga anak ang siyang makakakuha ng benepisyo, mayroon kayong karapatan na makuha ang nasabing benepisyo at hindi ito maaaring ipagkait sa inyo ng insurance company. Katulad ng nauna na naming nabanggit, ito ay isang kasunduan na kailangang tuparin ng mga partido nito. Magsisilbing paglabag sa nasabing kasunduan ang hindi pagtalima rito ng kumpanya. Hindi rin nila maaaring baguhin ang nakasaad sa polisiya sapagkat karapatan ng insured na ipangalan ang benepisyo ng kanyang insurance sa taong nais niya.
Subalit mahalagang bigyan mo ng puwang ang posibilidad na hindi sa inyo nakalaan ang polisiya na kinuha ng iyong asawa. Sapagkat kung mayroong ibang taong nakapangalang beneficiary sa nasabing polisiya at hindi napawalang-bisa ang pagkakatalaga sa kanya, sa nakapangalang beneficiary lamang maaaring ibigay ng kumpanya ang benepisyo upang maisakatuparan ang kasunduan nito sa iyong asawa na siyang kumuha ng polisiya.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta