NAAALALA N’YO pa siguro ang sinapit ni Cadet Aldrin Cudia sa Philippine Military Academy (PMA). Siya ang kadete na magtatapos sana bilang pangalawa sa may pinakamataas na karangalan bilang ga-graduate sa PMA ngayong taon. Ngunit, sa kasamaang palad ay tinanggal siya sa kanilang pamantasan at tuluyan nang hindi nakapagtapos noong nakaraang graduation sa PMA nitong buwan lamang ng Marso 2014.
Bilang tugon ng pamilya ni Cudia sa nangyari sa kanya ay iniakyat nila ang reklamo sa Commission on Human Rights (CHR) hinggil sa kalupitang ito ng PMA sa mag-aaral na si Aldrin. Makalipas ang mahigit isang buwan ay naglabas ang CHR ng desisyon at nagrekomenda na kasuhan ang mga miyembro ng komite na nagdesisyong patalsikin si Aldrin sa PMA.
Nakitaan umano ng merito ang kasong pang-aabuso sa karapatan ni Aldrin na makapag-aral sa PMA. Kabilang sa mga kakasuhan ay ang dalawang ka-mistah ni Aldrin. May mga sapat na dahilan daw umano, ayon sa CHR, ang dalawang kaklase ni Aldrin para hind maging patas ang kanilang paghusga sa kaso ni Aldrin at hindi pabor na desisyon ng dalawang ito. Personal na galit at pag-aambisyon sa unang puwesto sa Navy bilang bagong graduate ng PMA, ang mga nakitang anggulo ng CHR.
Ngayong naglabas na ng pormal na reklamo ang CHR, ano ang posibleng kahantungan nito? Ano ang maaaring mangyari sa mga nasangkot sa reklamo ng CHR na ngayon ay mga officer na ng AFP? Ano na ang naghihintay na kinabukasan para kay Aldrin Cudia?
ANG CHR bilang isang sangay ng gobyerno sa ilalim ng ehekutibong sangay nito ay mayroon lamang kapangyarihan para magrekomenda ng kaso sa korte. Ito lamang ang maaaring gawin ng CHR at wala naman itong kapangyarihan para maglitis at magparusa. Ganoon pa man ay kung makikitaan ng husgado ng probable cause ang reklamong isinampa ng CHR ay maaari nang umusad ang kasong ito.
Maaaring makulong ang mga mapapatunayang nagkasala dahil isa itong kasong kriminal. Ang human rights violation ay may kaparusahang pagkakakulong mula sampung taon hanggang panghabang buhay o reclusion perpetua, depende sa bigat ng pagkakasala.
Samantala ay nananatiling gapos naman ang mga kamay ni Cudia sa PMA dahil hindi pa siya makalipat sa ibang pamantasan o makapaghanap man lang ng trabaho. Iniipit umano ng PMA ang transcript of records at certification of good moral character ni Cudia. Ang mga ito ay dalawa sa mahahalagang bagay na hinahanap kapag ang isang mag-aaral ay lilipat sa ibang paaralan o mag-aapply ng trabaho.
Sa ganitong tinatakbo ng kaso ni Aldrin Cudia ay tila nawawalan na siya ng karapatan para sa kanyang kinabukasan. Nasaan na ang hustisya rito? Hanggang kailan maghihintay si Cudia at ang pamilya nito?
SA USAPING karapatan sa kinabukasan, hindi nawawala sa diskurso ang problemang kinahaharap ng mga bagong nagsipagtapos sa kolehiyo. Ayon kasi sa isang pag-aaral ay umaabot sa dalawang taon bago makahanap ng maayos na trabaho ang isang bagong graduate sa kolehiyo.
Ang ibig sabihin nito, taun-taon ay nadaragdagan at lumalaki ang bilang ng mga walang trabaho. Bukod sa problema sa “non-employment” ay lumulobo rin ang bilang ng “under-employment” o mga taong tumatanggap ng sahod na mas mababa sa dapat nilang kinikita. Ito ay isang malaking issue sa usaping karapatan sa kinabukasan.
Dati-rati ay nakasisigurado na sa magandang trabaho ang isang tao kung ito ay nakapagtapos sa kanyang pag-aaral. Sabi nga ng mga matatanda ay edukasyon ang susi sa magandang kinabukasan. Ngunit hindi yata ito naaangkop sa isang bansang mahirap na katulad natin.
Sa kabila ng mga libu-libong “manpower” na napo-produce natin taun-taon mula sa hanay ng mga mag-aaral na nagsisipagtapos ay hindi pa rin sila nabibigyan ng trabaho ng ating pamahalaan. Kadalasan daw ayon sa Department of Labor ang Employment (DOLE), hindi tumutugma ang kanilang mga skills o kaalaman sa pangangailangan ng mga kompanyang nangangailangan ng trabahador.
Kaya naman nagreresulta rin ang ganitong sitwasyon para magtiis ang ating mga bagong graduate na pumasok sa mga trabahong may mas mababang kuwalipikasyon, posisyon at suweldo. Ayon sa pag-aaral ng mga eksperto, karamihan sa kanila ang nauuwi sa pagiging isang contractual na sales lady sa mall o fast food crew sa mga restaurant.
PAANO BA kumikilos ang ating pamahalaan sa matagal nang problemang ito sa trabaho? Ang K-12 na hakbang ng Department of Education (DepEd) ay isang long term solution daw sa problemang ito. Ngunit gaano pa katagal maghihintay ang ating mga kababayan, lalo na ang mga new graduates? Paano na ang kanilang karapatan sa kanilang kinabukasan?
Sa kabilang kamay naman ay paano na ang kinabukasan ng ating bayan na paglilingkuran ng mga PMA newly graduate officers na sangkot sa kasong human rights violation na may kinalaman sa pagkakaalis kay Aldrin Cudia sa PMA?
Sa kasalukuyan, may 17 generals ang nakakulong sa Camp Crame dahil sa kasong katiwalian at pagnanakaw sa kaban ng bayan. Pandarambong o plunder ang mga kasong ito kaya walang piyansang maaaring makuha ang mga heneral na akusado.
Mauulit ba ang ganitong uri ng mga military officer na maglilingkod sa ating mga anak sa kinabukasan? Paano na ang kanilang karapatan?
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO.
Shooting Range
Raffy Tulfo