Karapatan sa Lupang Ibinigay Lang

Dear Atty. Acosta,

 

BAGO MAMATAY ang aming ama ay binigyan siya ng lupa ng aming lola, ngunit hindi po ito nailipat sa pangalan ng tatay namin hanggang sa siya ay mamatay. Maaari po ba kaming paalisin sa nasabing lupa? Hindi po kasi maayos ang tingin sa amin ng iba naming mga kamag-anak. Kung sakali po ba na paalisin kami ay mayroon kaming habol sa lupang iyon? Salamat po.

 

Renato

 

Dear Renato,

 

HINDI MO nabanggit sa iyong liham kung mayroong kontrata sa pagitan ng iyong lola at iyong ama ukol sa ginawang pagbibigay ng nasabing lupa. Kung mayroong naganap na kasunduan sa pagitan ng iyong lola at ama, kailangan itong bigyan ng halaga sapagkat karapatan ng may-ari na ibigay o ipagbili sa taong kanyang naisin ang bagay na kanyang pagmamay-ari. Ngunit, kailangan ay sang-ayon at alinsunod sa nilahahad ng ating batas ang paraan ng pagbibigay na ginawa ng iyong lola. Kung ito ay taliwas sa hinihingi ng ating batas ay maaari itong mapawalang-bisa.

Upang maging buo ang karapatan ng inyong ama sa pagmamay-ari ng nasabing lupa, dapat ang pagbibigay ay nakasaad sa isang pampublikong dokumento, katulad ng isang Deed of Donation. Mahalaga rin na tinanggap ng inyong ama, bago siya pumanaw, ang nasabing pagbibigay o donasyon na ginawa ng iyong lola. Maaari niya itong gawin sa mismong pampublikong dokumento na isinulat ng iyong lola, o sa hiwalay na pampublikong dokumento. Kailangan din ay naipaalam ng iyong ama sa iyong lola ang kanyang pagsang-ayon bago siya pumanaw. (id) Kung ang lahat ng ito ay ginawa ng iyong lola at ama, masasabing buo na ang pagmamay-ari ng iyong ama sa lupa, kahit pa ito ay hindi nakarehistro sa pangalan ng iyong ama. At bilang kanyang mga tagapagmana, ang inyong pamilya ay mayroong karapatan na manatili rito.

Sa kabilang banda, kung wala silang kasulatan ay walang-bisa ang ginawang pagbibigay ng iyong lola. Ayon sa New Civil Code, “In order that the donation of an immovable may be valid, it must be made in a public document, specifying therein the property donated and the value of the charges which the donee must satisfy. x x x” (Artikulo 749, id) Kung kaya’t hindi ninyo maaaring igiit na patuloy ninyong gagamitin ang lupa dahil wala kayong magiging katibayan na ito ay pagmamay-ari na ng iyong ama lalo at hindi nakarehistro sa kanyang pangalan ang nasabing lupa. Maaari kayong paalisin ng may-ari nito kailan man niya naisin. Ito ay karapatan ng iyong lola, habang siya ay nabubuhay, bilang may-ari ng nasabing lupa. Subalit, hindi kayo maaaring paalisin ng iba ninyong mga kamag-anak sapagkat hindi sila ang nagmamay-ari nito.

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleProteksyon ngayong tag-init
Next articleKailangan bang ipasa ang BBL?

No posts to display