Karapatan sa Paggamit sa Apelyido ng Ama

Dear Atty. Acosta,

NAIS KO lamang pong malaman kung may karapatan po ba akong gamitin ang apelyido ng aking ama. Hindi po kasal ang aking mga magulang at hindi rin po nakapirma sa aking birth certificate ang aking ama. Ang apelyido ko po sa birth certificate ko ay ang sa nanay ko. Mayroon pong ginawang sinumpaang salaysay ang aking ama na ako ay kanyang kinikilala bilang kanyang anak. Magagamit ko po ba ito?

Roger

 

Dear Roger,

ANG PAGKILALA sa iyo ng iyong ama bilang isang anak sa isang pampublikong dokumento ay napakahalaga, sapagkat ito ang magiging basehan mo para magamit ang kanyang apelyido. Ito ay sapagkat sang-ayon sa isinasaad ng Republic Act 9255 o ang batas na nagbibigay pahintulot sa isang ilehitimong anak upang gamitin ang apelyido ng kanyang ama, kailangang kinilala siya bilang anak ng kanyang ama sa isang pampubliko o notaryadong dokumento o kaya naman ay sa isang pribadong dokumento na isinulat ng kanyang ama para kanyang magamit ang apelyido nito.

Kung nais mong gamitin ang apelyido ng iyong ama, maaari mo itong magawa sang-ayon sa nabanggit na batas. Kakailanganin mo lamang na iparehistro ang nasabing dokumentong ginawa ng iyong ama at kalakip dito ang “Affidavit to Use the Surname of the Father” na isasagawa mo, kung ikaw ay nasa edad na, o ng iyong ina o legal guardian. Ito ay ibibigay sa tanggapan ng Local Civil Registrar kung saan nakarehistro ang iyong kapanganakan at kailangan ding may mga dokumentong sumusuporta at nagpapatunay na ikaw ay kinilala ng iyong ama, tulad ng SSS o GSIS record, insurance, sertipikasyon ng pagiging miyembro sa isang organisasyon, Statement of Assets and Liability o Income Tax Return (ITR). (7.2.2 Rule 7 Rules and Regulations Governing the Implementation of Republic Act no. 9255).

Gayun din, kung ikaw ay nasa edad na, kai-langang mayroon kang pahintulot sa paggamit ng apleyido ng iyong ama. Ito ay maaaring isagawa sa isang notaryadong dokumento (7.3 Rule 7 Rules and Regulations Governing the Implementation of Republic Act no. 9255).

Bukod sa paggamit sa apelyido ng iyong ama, ang pagkilala niya sa iyo bilang anak ay nagbibigay sa iyo ng karapatan upang makakuha sa kanya ng suporta. Ito rin ay nangangahulugan na may karapatan kang magmana sa kanyang mga ari-arian sa sandaling siya ay pumanaw na.

Nawa ay naliwanagan ka sa opinyon naming ito.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleMy Way
Next articleInstant Raket sa Kapulisan

No posts to display