Karelasyon ni Bistek, tahimik lang sa isyu ng mayor at ni Kris Aquino

Herbert-Bautista-Tates-GanaMALABO NAMAN talagang mahingan sa ngayon ng reaksiyon ang karelasyon ni Mayor Herbert Bautista na si Tates Gana tungkol sa pagkaka-link ngayon ng butihing Mayor ng Quezon City kay Kris Aquino. Matagal nang rampadora sa showbiz si Tates, dahil napakarami niyang kaibigang mga artista ganu’n din sa press. Pero hindi siya ‘yung tipong ng karelasyon ni Bistek na mayabang umasta para iparamdam na karelasyon siya ng Mayor.

Ang pakikipagkaibigan ni Tates sa mga taga-showbiz ay dahil alam niyang ang pamilya ni Bistek ay galing din sa showbiz.  Masaya rin si Tates, dahil sa dinami-rami ng mga taong puwede niyang makilala sa ibang larangan, mayroon at marami pala siyang makikilala at naging kaibigan nga sa showbiz, na pakikisama talaga ang iniukol sa kanya. Kaya nga sa ngayon, bilang respeto sa kanya, hindi siya kinukulit kung nasasaktan ba siya mga balita tungkol kina Tetay at Bistek.

Doble-dobleng mas mayaman si Kris kumpara kay Tates, pero kung respeto at tunay pakikipagkaibigan, mas lamang naman na maraming totoong kaibigan si Tates na nagsisimpatiya sa kanya kung bakit habang tahimik dati ang relasyon nila ni Mayor Herbert, umeksena ang closeness nina Tetay at Bistek. Consistent si Tates noon at ngayon, na ang pakikipagkaibigan niya sa mga kakilalang taga-showbiz, lalo na sa press ay pakikipaglapit at pasasalamat sa mga nagmamahal kay Herbert. Nagiging tulay siya ng mga pasasalamat na dapat manggaling sa bibig ni Mayor, pero si Tates ang gumagawa. Doon siya minahal ng mga kaibigan niya sa showbiz na rumerespeto sa kanyang pananahimik ngayon, kung nagpapasensiya lang ba siya o nasasaktan sa maingay na closeness daw ngayon nina Bistek at Tetay.

NOONG MARCH 31, rumampa kami sa premiere night ng pelikulang Echoserang Frog na pinagbibidahan ni Shalala sa Fisher Mall d’yan sa Quezon Avenue. Bilang suporta na rin namin iyon kay Direk Joven Tan, na Kapamilya namin noong dekadang ‘90 sa mga una naming pinagsulatang publikasyon, ang GASI at SONIC Triangle. Dati naming editor si Joven, kaya noon pa man sa kanyang pagsisimula, alam na naming gusto niya talagang magdirek ng mga pelikula, at natupad naman.

Nakaaaliw si Shalala nang gabing iyon, dahil nababaliw siya sa mga kaganapan, na dahil launching movie nga niya iyon, at premiere night, kaya naman ilang kumpol ng mga bulaklak ang kanyang natanggap. Hindi niya rin malaman kung sino ang uunahing harapin na mga tao sa dami ng kanyang mga bisitang kakilala na sumuportang pumunta sa venue para makisaya sa kanya. Nang tsikahin nga namin siya, mukhang hinihingal na siya sa pagod sa kararampa at katsitsika sa dami ng kanyang mga bisita.

Malaki na talaga ang improvement ni Joven Tan sa larangan ng pagdidirek, dahil minamarkahan namin lagi ang mga pagkakaiba sa tuwing mayroon siyang bagong proyekto. Tama ang sinabi ni Shalala, na hindi sila halos umaaarte sa kabuuan ng pelikula, dahil ganu’n naman talaga siyang umarte at magpatawa sa totoong buhay. Ilang pagpapatunay pang mga pelikula, at komedyante na talagang matatawag si Shalala, dahil magaling na talaga siya.

ChorBA!
by Melchor Bautista

Previous articleJohn Lapus, tanggap na pang-support lang ang role
Next articleEpy Quizon, ‘di ipagdadamot ang kaligayahan ni Zsa Zsa Padilla

No posts to display