LAMPAS NA sa katorse ang aking edad. Ngunit ‘yan pa rin ang taguri nila sa akin. Ewan kung saaan ako isinilang. Alam ko lang, ako ay napadpad sa Maynila sa pagmamagandang-loob diumano ng isang Intsik sa kapitbahay. Sa kasalukuyan, ako’y naninirahan sa ‘sang barong-barong sa Payatas kasama ng dalawa pang babaeng kasama ko sa panggabing hanapbuhay.
Malamlam ang aking mata at mahaba ang buhok. May nunal ako sa kaliwang pisngi. Ito ang nakakaakit sa aking customers ‘pag ako’y pumapasada sa gabi.
Isa hanggang dalawang daan ang regular na kita. ‘Pag minamalas ay talagang malas. Kaya pumapasada ako sa labas ng bar. Paminsan-minsan nakabibingwit ako. Pag minamalas pinagpaparausan lang ako nang libre ng mga demonyong parak.
Nakaraang buwan, dinugo ako. May sakit diumano ako sa uterus. May bukol na ‘pag lumaki ay magiging cancerous. Natakot ako. Ngunit wala akong magagawa. Nagtataka ako kung bakit nagkaganito. Gumagamit naman ako ng condom.
Sa palagay ko, bente uno anyos na ako. Sa edad na ito, wala akong kilalang magulang, kapatid o sinumang kamag-anak. Alam ko lang isulat ang pangalan ko. Nahihirapan akong magbilang ng pera. Subalit mahilig akong umawit at sumayaw. Sa pinagtatrabahuhan kong bar, rock star ako. Mahaharot na awitin ang espesyalidad ko. Kaya ‘pag gabing sinusuwerte agos ang tips ko.
Kaibigan kong matalik si Midos. ‘Pag minsan, ‘pag walang-wala siya ang pinagbubugaw. Sampung porsiyento ang komisyon. ‘Di naman niya ako tintalo. Mabait siya. Tubong-Cotobato.
Ano ang kahulugan sa akin ng buhay? Wala. Kundi kumain ng tatlong beses ‘sang araw, magkaroon ng gabi-gabing customers para ‘di na pumasada sa labas. ‘Di ko na ininda ang aking sakit. Bahala na.
Ako raw ay si Karla Katorse. Sino kayo?
SAMUT-SAMOT
NAKALULUNGKOT ANG tanawin ng mga shanties sa Dagat-dagatan, Tondo. Para bang ‘di ka makapaniwala sa isang sibilisado at Katolikong bansa ay may mga taong naninirahan sa masahol pa sa ipis at daga. Gutom at sakit ang binubuno ng mga taong naninirahan. Araw-araw. Gabi-gabi. Wala na bang puwedeng magmalasakit sa kanila? Mabigyan ng pagkukunan ng hanapbuhay at pangangalaga sa kanilang kalusugan at edukasyon ng mga bata. Masahol pa sa isang kahig isang tuka ang kanilang uri ng pamumuhay. Inalisan na sila ng dignidad at karapatan bilang nilalang ng Diyos. Saan nakaturo ang sisi? Sino ang dapat managot?
NAPAIYAK AKO sa balita na isang sister-in-law ko nakatira sa U.S. ay dinapuan ng cancer sa uterus. ‘Di pa malaman kung anong stage. Pinakatatakot na salita ngayon ay cancer. ‘Pag dinapuan ka, parang death sentence. Chemo at radiation ay ‘di lubusang nakatutulong. Hirap pa ang medical science sa pagtuklas ng mabisang lunas. Pinakalaganap na uri ng kanser ang breast cancer, lung cancer, colon cancer at prostate cancer. Mga ito ang nagunguna sa chart statistics sa buong mundo. ‘Di pa lubos ang pinakasanhi ng sakit. Sana’y malampasan ng sis-in-law ko ang pagsubok na ito. Walang impossible sa Maykapal.
SA PAGKAMATAY ni Bin Laden, ‘di pa tuluyang nabuwag ang worldwide terrorist group, Al Queda. Naniniwala kami na kumukuha lang ng tiyempo ang organisasyon bago maghasik uli ng lagim sa U.S. at buong mundo. Kaila-
ngan ay patuloy na vigilance at preparedness. Ang mga kaguluhan ngayon sa U.S. embassies sa iba’t ibang parte ng mundo ay maaaringmay kagagawan ang Al-Queda. Suportahan natin ang U.S. sa matagal na labang ito.
SA HULING Pulse Asia survey namamayagpag si Sen. Loren Legarda at Sen. Chiz Escudero sa Senate race. Lahat ding incumbents ay swak sa magic 12. Apat na puwesto na lang ang pagtatalunan. At mga naglalaban dito ay si former Sen. Dick Gordon at Jamby Madrigal, Rep. Sonny Angara at Cynthia Villar. Ni wala sa magic 20 ang ibang kandidato ng LP na sina Hontiveros, Villanueva at Biazon. Malabo na ang mga ito. Kahanga-hanga ang no. 3 posisyon ni J.V. Ejercito, anak ni dating
Pangulong Erap. Erap magic ang dahilan. Malamang ‘di na magbago ang trend na ito. Nais ng marami nq bumagsak si Sen. Antonio Trillanes IV.
PALAMIG NANG palamig ang simoy ng hangin lalo na sa madaling-araw. Kalagitnaan ng Oktubre pakakabit ko na ang Christmas tree at light decors. Mula pa pagkabata ganito na akong excited ‘pag sasapit na ang Pasko. Ang mga pinatutugtog na Christmas carols ay nagdudulot sa akin ng magkahalong saya at lungkot. Miss ko Inay, Tatay at mga pumanaw na kapatid, kamag-anak at malapit na kaibigan. Ano kaya kung walang Pasko?
NAKIKIRAMAY KAMI sa naiwan ng bantog na human rights lawyer, Romeo Capulong, 77. Napakadakilang manananggol na ginugol buong buhay niya sa pagtatanggol ng mga dukhang naapi lalo na nu’ng Martial Law. Bilang isang napakagaling na manananggol, puwede sana siyang yumaman sa pagkuha ng mayayamang kliyente. Ngunit pinili niya ang mga naaping dukha at kapwa. Nu’ng panahon ng Martial Law, halos kaisa-isa siyang nagtanggol sa korte ng mga activists na pinakulong ng diktador. ‘Di niya inalintana ang panganib sa buhay sa pakikibaka. Pambihirang nilalang.
KABI-KABILA ANG bukol ng kapulisan halos araw-araw. Subalit NCRPO Director Leonardo Espina is starting on the right foot! Ipagpatuloy sana niya ang pag-weed out sa misfits at scalawags. ‘Wag ningas-cogon campaign. ‘Pag wala na sa media, balik korapsyon muli. Kamakailan, ‘sang Manila Precinct Commander ang inakusahan ng carnapping at extortion ng isang balikbayang Canadian. Ang gagarapal. Wala nang rason para bumalik pa sa ‘Pinas ang balikbayan pagkatapos ng nakababangungot na karanasan.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez