SABI NG matatanda, kung mamalasin ka ay mamalasin kang talaga. Minsan ay iniisip ko kung may kinalaman ito sa impluwensya ng mga taong naniniwalasa sa Budismo mula sa mga bansang gaya ng Malaysia, India at Indonesia na noon pa man ay nakikipagkalakalan na sa ating mga ninuno bago pa man dumating ang mga Kastila.
Ang epekto ng karma o “karmic effect” kasi ang nagtatakda kung mamalasin o susuwertihin ang isang tao base sa mga ikinilos niya at pagpapasyang ginawa ayon sa paniniwalang Budismo. Kaya nga mayroon din tayong mga Pilipino ng sarili nating gamit sa salitang karma. Negatibo nga lang ang palagiang konteksto nito.
Kapag sinabing kakarmahin ka o makakarma ka rin ay nangangahulugang may masamang mangyayari sa iyo o mamalasin ka sa buhay. Kaya malamang na kapag sinabi ng mga matatanda na kung mamalasin ka ay mamalasin ka, ito ay nakadikit sa paniniwalang “karma” ng Budismo.
KAMAKAILAN LANG ay lumabas na ang warrant of arrest para sa grupo ni Cedric Lee sa kasong grave coercion at nitong nakaraang araw naman ay lumabas na rin ang warrant of arrest para sa isang kasong walang piyansang ipinahihintulot ang Korte na hindi gaya ng naunang kaso. Ito ang serious illegal detention.
Ang unang minalas dito ay ang mismong babaeng nagsampa ng kasong rape sa aktor na si Vhong Navarro na kalaunan ay ibinasura naman ng Department of Justice (DOJ) dahil sa kakulangan ng probable cause. Ngayon ay siya pa itong nahaharap sa dalawang kasong kriminal.
Mukhang minalas din sa pagbabayad ng piyansa ang babaeng ito sa kasong grave coercion dahil tiyak na makukulong din siya sa pangalawang kasong isinampa sa kanya na serious illegal detension at dahil dito ay nawalan ng saysay ang piyansang unang ibinayad nito.
Hindi ba parang nanghiram ng kamalasan kay Hudas itong si Deniece dahil parang siya na itong nakaladkad ang puri sa media sa akusasyong biktima umano siya ng rape? Ngayon ay tila siya pa ang makukulong at nasayangan ng perang binayad bilang piyansa.
Ang “bad karma” ayon kay Gautama Buddha ay sadyang hindi mapipigilan dahil ang tao na mismo ang nagdala nito sa kanyang sarili base sa kanyang maling gawain. Si Hudas ay nagbigti ng kanyang sarili dahil sa pagkakanulo nito kay Kristo.
ANG PANGALAWANG minalas dito ay si Cedric Lee at grupo nito. Una, hindi na nakapalag ang grupo ni Cedric Lee sa napakalinaw na kuha ng CCTV sa isang condo sa global city kung saan naganap ang krimen. Bisto ang pagsisinungaling ni Cedric dahil hindi naging makatotohanan ang mga pahayag niya base sa mga oras na nakatala sa video recording ng CCTV sa condo.
Pangalawa, sa dinami-rami ng mga taong mabibiktima niya base sa akusasyon sa kanya, ay sa isang sikat na showbiz personality pa siya natapat. Naging tutok tuloy ang DOJ at media sa kaso kaya’t napakabilis ng pag-usad nito sa korte. Ngayon ay mukhang mabilis din ang kanyang pagkakakulong.
Ang pangatlo ay ang lalong nagpabigat sa kaso laban kay Cedric at grupo nito dahil sa pagbaliktad ng isang akusadong kasamahan nila bilang isang state witness. Ayon pa kay DOJ Secretary Leila de Lima ay handa itong miyembro ng grupo na isiwalat lahat ng pagpaplano sa oplan bugbog. Ito na marahil ang isang tunay na slam dunk evidence para mahatulang guilty si Cedric at grupo nito.
Dito na siguro magwawakas ang kasamaang ito kung totoo man ang mga akusasyon laban sa grupo ni Cedric Lee. Natural na ginagapi ng kapangyarihan ng “law of karma” ang lahat ng taong gumagawa ng kasamaan sa mundo ayon kay Gautama Buddha.
ANG PANGATLONG minalas ay si Secretary Mar Roxas. Wala man ito kahit na katiting na ugnayan kina Cedric Lee at sa kasong hinaharap nila ay inabot pa rin ng “bad karma” si Roxas dahil sa isyung kinakaharap nito hinggil sa pagwawala diumano ng kalihim sa isang exclusive na golf course base sa reklamo ng mga empleyado sa naturang golf club.
Kumalat at naging viral sa social networks ang alegasyong pagwawala ni Roxas at naging sentro ito ng kritsismo at panlilibak. Tiyak na hindi ito makabubuti sa plano ni Roxas na tumakbo sa pagkapangulo sa darating na 2016 Presidental Election.
Tila taun-taon na lang yata ay minamalas sa mga issue laban sa kanya si Roxas at hindi na siya tinatantanan ng kamalasang ito. May kinalaman din kaya ito sa law of karma?
Lalo pa sigurong minalas ang kandidatura at pag-asa ni Roxas sa Presidentiable race dahil umalagwa naman ang popularidad ni Vice President Jejomar Binay at Senate President Franklin Drilon sa resulta ng isang survey na lumabas kamakailan lamang.
Ang good karma raw sa iba ay kabaliktarang bad karma naman daw sa ibang tao. Ano nga ba ang pangontra sa kamalasang ito?
SA TINGIN ko ay walang pangontra sa kamalasang dala ng bad karma, ngunit may paraan para maiwasan ito. Ang paggawa ng tama gamit ang parehong pamantayang sinabi naman ng isang oriental philosopher na si Confucius.
Ang bawat gawa raw ng tao ay dapat papasa sa pamantayang “hindi mo gagawin sa ibang tao ang isang bagay na hindi mo gustong gawin nila sa iyo.” Ang parehong pamantayan din ang ginamit na basehan ni Emmanuel Kant, isang Western Philosopher, sa kanyang ethical work na pinamagatang categorical imperative o Kantian Ethics.
Ang positive Confucian way rin ang essence ng itinuro ni Jesus sa mga Kristiyano na mahalin mo ang iba higit sa iyong sarili!
Kaya tandaan na ang aksyon natin dapat ay patas para iwas malas!
Ang programang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO.
Shooting Range
Raffy Tulfo