Kasal-kasalan?

Dear Atty. Acosta,

Gusto ko lang po sanang malaman sa aking pagsasalaysay kung valid po ba o hindi ang aming kasal. Taong 2002, month of October ay nagpakasal kami ng aking asawa sa edad kong 24 at siya ay 18 years old, sa isang lungsod ng probinsya na walang consent ang aking mga magulang sa naganap na kasal. Maliban sa kanyang magulang, kinasal kami ng mayor ng lungsod ngunit natapos ang aming kasal na hindi kami kumuha ng marriage license at kahit umatend ng ano mang seminar. Bukod pa roon, sa nabanggit na silid ng mayor ay hindi kami nagtungo dahil ang biyenan kong babae lamang po ang pumasok sa silid. Ilang minuto lamang po ang paghihintay namin ay lumabas agad ang aking biyenan at sinabing kasal na kami at may lagda na ni mayor ang aming form. Kahit anino at basbas ni mayor ay hindi po namin natamo. Wala pong formal na requirement ang naitakda na basta na lang po kami ikinasal.

Taong 2008 ay madalas ang aming pagtatalo hanggang sa nauwi sa hiwalayan. Bagamat noong May, 2008 ay nag-file kami para kumuha ng Marriage Certificate sa NSO ngunit wala kaming nakuha dahil wala sa record ang aming kasal. Kahit na kami ay hiwalay na ay pinaayos ko pa din po sa asawa ko ang aming kasal at hanggang sa nakakuha kami ng marriage license. Mula Sept 2002 – Oct 2002 at hanggang December ay 4 months pa lang po ang tinakbo ng pagkakaayos ng aming kasal.

May girlfriend po ako ngayon at nagbabalak kaming magpakasal. Nais ko pong malaman kung valid ba o hindi ang aming kasal.

Miguel

Dear Miguel,

Hindi malinaw sa iyong pagsasalaysay kung papaano napaayos ng iyong asawa ang inyong kasal na sinasabi mong apat na buwan pa lamang ang nakakalipas. Kung ang ginawa ng iyong asawa para ito ay maayos ay ang pagpaparehistro nito sa tanggapan ng “Local Civil Registrar”, sang-ayon sa iyong paglalahad, ang iyong kasal sa iyong asawa ay walang bisa o hindi balido. Ito ay sapagkat walang seremonya ng kasal na naganap, kung saan kayong dalawa ay nanumpa at nagsabing tinatanggap ninyo ang isa’t isa bilang mag-asawa sa harap ng “Mayor” na dapat ay magkakasal sa inyo. Isa pa, sinabi mo rin sa iyong pagsasalaysay na wala kayong “Marriage License” noong mga panahon na iyon.

Ang mga bagay na nabanggit ay kabilang sa mga importanteng sangkap para sa isang mabisa at balidong kasalan. Ayon sa batas, kailangang mayroong “Marriage License” ang dalawang taong magpapakasal bago maganap ang kasalan, kung sila ay wala nito, ang kanilang kasal ay walang bisa. (Article 3 (2), Family Code)

Ganun pa man, ang “Marriage License” ay hindi na kailangan kung ang isa sa magpapakasal ay nasa bingit na ng kamatayan (Article 27, Family Code) o ang isa sa kanila ay nakatira sa isang liblib o malayong lugar at walang pamamaraan ng transportasyon para makapunta sa pinakamalapit na opisina ng “Local Civil Registrar” (Article 28, Family Code) o sila ay nagsasama na bilang mag-asawa ng hindi bababa sa limang taon bago pa ikasal, subalit kailangang walang legal na hadlang para sila magpakasal sa loob ng kanilang pagsasama. (Article 34, Family Code)

Gayundin, kung walang seremonyang magaganap na kung saan magdedeklara ang dalawang ikakasal na tinatanggap nila ang isa’t-isa bilang mag-asawa sa harap ng taong may kapangyarihan o otorisadong magkasal at sinaksihan ng dalawa o higit pang mga testigo, ang kasal ay wala ding bisa. (Article 3 (3), Family Code).

Ganun pa man, kung ang iyong kasal ay nakarehistro na sa tanggapan ng “Local Civil Registrar”, wala kang kapangyarihan para ideklara o sabihing walang bisa ang iyong kasal, tanging ang korte lamang ang may kakayahang gawin ito. Kung ikaw ay nagbabalak na magpakasal muli, kakailanganin mo munang maghain ng petisyon sa korte para ideklarang walang bisa ang iyong kasal. Kung hindi mo ito gagawin, mawawalan ng saysay ang muli mong pagpapakasal sapagkat ito ay walang bisa. Sinasabi ng batas na maaaring gamitin bilang basehan ng pagpapakasal muli ng isang taong may nauna nang kasal kung sinabi o pinag-utos ng hukuman na ito ay walang bisa. (Article 40, Family Code).

Shooting Range

Atorni First
By Atorni Acosta

Previous articlePasado o Burado!
Next articleNA-INTERVIEW LANG DAW

No posts to display