Kasal Kay Mister na Lasenggo at Nambubugbog, Gustong Ipawalang-Bisa

Dear Atty. Acosta,

ATTY. LAGI po akong binubugbog ng aking asawa at lagi siyang naglalasing. Maaari ko bang ipawalang-bisa ang aming kasal?

Mrs. De Leon

Dear Mrs. de Leon,

DITO SA ating bansa, tanging annulment at declaration of nullity of marriage ang mga paraan upang mapawalang-bisa ang isang kasal. Nakasaad sa ating Family Code ang mga dahilan upang mapawalang-bisa ang isang kasal at ang palagiang pananakit at paglalasing ng isang kabiyak ay hindi isa sa mga dahilan upang ipawalang bisa ito. Bagkus, ang mga dahilang ito ay kabilang sa mga nakasaad na basehan upang makapagsampa ang kabiyak ng legal separation sa ilalim ng Artikulo 55 ng Family Code. Ayon sa artikulong ito, “a petition for legal separation may be filed on any of the following grounds:

(1)Repeated physical violence or grossly abusive conduct directed against the petitioner, a common child or a child of the petitioner;

xxx

(5) Drug addiction or habitual alcoholism of the respondent.xxx”

Ang petition for legal separation ay isinasampa sa Regional Trial Court ng lugar kung saan nakatira ang mag-asawa o isa sa kanila. Ngunit bago pa magbaba ng hatol ang korte sa kasong ito, sisikapin muna nito na magkasundo ang mag-asawa (Artikulo 59, Family Code). Saka lamang papayagan ng korte na maghiwalay ang mag-asawa kung wala na talagang pag-asang sila ay magkasundo. Ang epekto ng legal separation ay hindi katulad sa annulment at declaration of nullity of marriage, kung saan hindi napapawalang-bisa ang kasal sa paghain ng legal separation.

Ngunit kahit na ang dahilang iyong nabanggit ay basehan lamang upang makapaghain ka ng legal separation, maaari pa ring mapawalang-bisa ang kasal ayon sa Artikulo 36 ng Family Code na nagsasaad na, “a marriage contracted by any party who, at the time of the celebration, was psychologically incapacitated to comply with the essential marital obligations of marriage, shall likewise be void even if such incapacity becomes manifest only after its solemnization.” Maaaring maipawalang-bisa ang iyong kasal kung ma-

patutunayan mo sa korte na ang palagiang pananakit sa iyo ng iyong asawa at ang palagian niya ring paglalasing ay mga pahiwatig ng kanyang psychological incapacity.

Halinang manood ng “PUBLIC ATORNI: ASUNTO O AREGLO” tuwing LUNES, 9:20 pm sa AksyonTV.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleAlaala ni Hildo
Next articleBuwagin ang SAID!

No posts to display