Dear Atty. Acosta,
AKO PO ay ikinasal noong 1997 sa Northern Samar kung saan po kami nakatira ng aking asawa. Isang taon pagkatapos naming ikasal, nagpaalam siya sa akin na pupunta sa kanyang tiya sa Maynila upang makipagsapalaran dahil mahirap ang trabaho sa amin. Pinangako niya na susulatan niya ako agad pagdating niya sa Maynila. Ngunit wala akong natanggap na sulat mula sa kanya. Pagkalipas ng isa pang taon na walang balita mula sa kanya ay lumuwas ako ng Maynila upang hanapin siya. Pinuntahan ko ang tiya niya pero ang sabi niya ay hindi raw nagawi roon ang aking asawa. Pinagbigay-alam ko sa awtoridad sa Northern Samar at sa Maynila ang pagkawala niya. Lumapit na rin ako sa mga programa sa telebisyon upang matulungan ako, pero hindi ko pa rin siya nahanap. Habang hinahanap siya ay namasukan muna ako bilang kasambahay sa isang Amerikano. Nagkaroon po kami ng relasyon ng aking amo at gusto niya raw akong pakasalan. Paaano po ba ang gagawin ko gayong may rekord pa ang aming kasal sa NSO?
Mrs. Y
Dear Mrs. Y,
ANG ISANG taong kasal ay hindi na maaaring ikasal muli hangga’t hindi pa napapawalang-bisa ang naunang kasal o namamatay ang asawa. Ngunit kung ang asawa ay hindi na nakita sa loob ng apat na taon at ang kanyang kabiyak ay may “well-founded belief” o may matinding paniniwala na ang nawawalang asawa ay patay na, maaaring magpakasal muli ang kabiyak pagkatapos na magkaroon ng deklarasyon ang korte na ang nawawalang asawa ay maaaring patay na. Kailangan lang na maghain ang kabiyak ng isang petisyon para sa declaration ng presumptive death ng nawawalang asawa. Ngunit maaari ka nang magsampa ng petisyon kahit dalawang taon pa lang nawawala ang asawa kung siya ay sumakay sa isang sasakyang pandagat o eroplano at ang nasabing sasakyan ay nawawala o kung siya ay isang miyembro ng armed forces na sumabak sa digmaan o kung may panganib sa kanyang buhay (Artikulo 41 ng Family Code at Artikulo 391 ng Civil Code).
Sa iyong kaso, halos 13 na taon nang hindi mo nakikita ang iyong asawa at wala ka ring balita kung nasaan siya kahit pa ginawa mo na ang lahat ng paraan upang siya’y mahanap. Sa haba ng panahon na nawawala na siya, maaari ka nang magsampa ng isang petition for declaration of presumptive death. Maaari ka lang magpakasal sa iyong kasintahang Amerikano kung may deklarasyon na ang korte na malamang patay na ang iyong asawa.
Kaya nga lang, kung pagkatapos ng iyong kasal sa kasintahan mo ay nagpakita ang iyong asawa, ang ikalawang kasal ay awtomatik na mawawalan ng bisa sa oras na maitala sa local civil registrar ang affidavit of reappearance ng nawawalang asawa, maliban na lang kung may judgment na ang korte na nagpapawalang-bisa sa unang kasal.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta