MADRAMA PALA ang kasal ng dating Viva Hotbabe na si Jen Rosendahl na ikinasal nu’ng kamakalawa ng gabi sa matagal na niyang boyfriend.
Madatung daw itong pinakasalan ni Jen na si Jules Changco na isang mayamang negosyante raw.
Matagal na nilang pinlano ang kasal at naka-set na ito nu’ng September 14, kaya lang dalawang araw bago ang kasal, isinugod sa hospital ang ama niyang si Volker Rosendahl, dahil inatake raw ito sa puso.
May sakit na cancer ang ama ni Jen, pero nagkaroon na ito ng kumplikasyon, at inatake nga raw ito sa puso.
Kaya kahit excited si Jen sa kasal niya, malungkot ito dahil sa kalagayan ng kanyang ama.
Nakausap ng Startalk si Jen nu’ng nakaraang Biyernes, at malungkot ito dahil hindi nga siya maihahatid sa altar ng Daddy niya.
Siya lang pala ang nag-iisang anak, at wish ng ama niya na masaksihan niya ito at maihatid sa altar ang kanyang anak, tapos hindi naman natuloy.
Kaya bago siya tumuloy sa kasal niya na ginanap sa Sanctuario de San Antonio, dumaan muna siya sa Cardinal Santos, kung saan naka-confine ang Daddy niya para makita raw siyang naka-wedding gown.
Tapos nu’ng wedding mismo, naka-Facetime daw sila para mapanood nang live ng Daddy niya.
Madrama, ‘di ba? Iyak nga raw nang iyak ang Mommy ni Jen dahil kumpleto sana sila kung hindi na-hospital ang Daddy niya.
Basta abangan n’yo sa Startalk sa Sabado ang exclusive coverage namin sa kasal ng dating Viva Hotbabe.
NU’NG SABADO na rin pumirma si Dingdong Dantes ng renewal ng kontrata niya sa GMA-7.
Pinag-usapan din noon na may mga offer si Dingdong sa ibang istasyon at nakita nga raw na nakipag-meeting sila ng manager niyang si Perry Lansigan sa ABS-CBN 2, pero hindi naman natuloy dahil sabi nga ni Dingdong, hindi naman daw niya puwedeng iwan ang network, kung saan halos 15 years ng career niya ay nasa GMA-7 ito.
Dito naman napatunayan ang loyalty ni Dingdong, gaya ni Marian Rivera. Kaya kung GMA Primetime Queen si Marian, GMA Primetime King naman si Dingdong.
Five years ang kontratang pinirmahan ni Dingdong, kaya walang alisan na ‘yan. Talagang sa Kapuso Network na nga talaga siya at wala nang lipatan.
Bale ang unang programa ni Dingdong sa GMA-7 ang Genesis na magsisimula na sa October 7.
Kasama niya riyan si Rhian Ramos at si Lorna Tolentino.
Balak pa raw ni Dingdong na magdirek ng pelikula at itutuloy pa rin daw niya ang pagpu-produce ng pelikula.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis