NAGING USAP-USAPAN ANG huling guesting ni Regine Velasquez sa Showbiz Central nu’ng Linggo dahil nabuking na meron silang binabalak sa December 22, 2010.
Kasama niya si Ogie Alcasid na nag-guest doon at napilitan silang sagutin kung ano ang balak nila sa araw na ‘yun.
Ang duda ng lahat, kasalan na ito pero hindi muna nila kinumpirma dahil may mga ilang detalye lang daw silang dapat na ayusin.
Diretsahan namang sinabi ni Ogie na gustung-gusto na niyang mapakasalan si Regine kaya ang daming kinilig doon sa studio.
Sa totoo lang, marami ang natuwa dahil ‘yun na lang ang ang hinihintay ng lahat. Kaya abangan na lang natin dahil ia-announce naman daw iyan nilang dalawa at hindi naman daw nila itatago sa publiko.
Matagal kasing mapawalang-bisa ang kasal sa simbahan nina Ogie at Michelle Van Eimeren kaya tingin ko ‘yun na lang ang hinihintay nila para puwedeng-puwede na talagang maging Mrs. Alcasid si Regine.
Ang sabi pa naman ng Songbird, willing siyang i-give up ang lahat lalo na ang career nito, para lang sa pag-ibig pero hindi naman daw papayag si Ogie na iwan ni Regine ang pagkanta dahil alam niyang bahagi na ito ng buhay ng babaeng pinakamamahal niya.
Pero sana matuloy na nga ito dahil ‘yun na lang ang hinihintay ng lahat. Sabi pa noon ni Ogie sa mga nakaraang interview niya, tiyak daw na isang album ang mabubuo niyang kanta para sa kasalang ‘yun.
I’m sure parang musical itong kasal nila dahil ang gusto ni Ogie, pawang original songs na likha niya ang gagamitin sa seremonya. Exciting iyan kaya dapat na nga nating abangan.
KINUHA NA PALA ni Sen. Bong Revilla ang panganay niyang anak na si Bryan Revilla bilang chief of staff nito sa tanggapan niya sa Senado.
Malapit nang mag-graduate si Bryan kaya hindi na ito nagpaka-active sa showbiz at International Studies ang pinag-aaralan nito. Parang training ground na raw niya itong pagtatrabaho sa Papa niya dahil may konek naman sa pinag-aaralan niya.
Mukhang sa pulitika rin naman talaga patutungo ang anak ni Bong at Lani kaya mabuti na ngang ngayon pa lang ay tini-train na nila sa ganitong trabaho.
Medyo naninibago raw si Bryan sa bagong trabaho niya pero mabuti’t nandiyan naman ang mga staff ng ama niya na willing tumulong sa kanya.
Kay Bong lang nagtatrabaho si Bryan dahil hindi naman daw siya kinuha ng Mama niya sa kongreso. Karamihan naman daw sa mga staff ni Lani ay mga kababaihan kaya talagang pinu-promote nito ang women empowerment, huh!
Pero in fairness, tuwang-tuwa rin si Bong kay Lani dahil nakikita raw niyang sobrang seryoso ito sa bagong responsibilidad niya.
Ang ganda-ganda nga ni Lani nu’ng Lunes sa SONA at bagay na bagay silang rumarampa sa Congress ni Bong.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis