Dear Chief Acosta:
GUSTO KONG ISANGGUNI sa inyo ang aking problema. Ako ay 35 years old at ordinary employee sa isang private company rito sa Maynila. Ako ay pinakasalan ng aking asawa sa isang civil wedding. Ngunit natuklasan ko na hindi pala iyon ang tunay na pangalan niya at siya pala ay apat na taon nang kasal sa iba. May anak ako ngunit hindi nakaapelyido sa kanya. Pinakasalan lang niya ako dahil buntis ako noon pero hindi kami nagsama sa iisang bahay. Gusto ko pong ipawalang bisa ang aming kasal, ano po ba ang dapat kong gawin? Alam ko pong walang bisa ang aming kasal. Ngunit nababasa ko po sa inyo na kai-langan kong mag-file ng kaso sa korte. Ano po ba ang dapat kong gawin? Sana po matulungan ninyo ako.
– Ms. Anya
ANG KASAL AY itinuturing ng ating batas na isang sagrado at permanenteng institusyon (Art. 1, Family Code of the Philippines). Sa kabila nito, may mga sitwasyon kung saan pinapayagan ng batas na maideklarang walang bisa o mapawalang-bisa ang isang kasal (Arts. 35, 36, 37, 38, 45 at 53, Family Code of the Philippines). At isa na rito sa mga pagkakataong ito ay kung dalawang beses nagpakasal ang isang tao sa magkaibang tao (Article 35(4), Family Code of the Philippines).
Nabanggit ninyo sa inyong liham na ganito nga ang ginawa ng inyong asawa nang pakasalan niya kayo gayong nakapagpakasal na siya sa ibang babae, apat (4) na taon bago ang inyong kasal. Ang inyong kasal ay tinatawag na “bigamous” at hindi pinapayagan ng ating batas. Samakatuwid, ang inyong kasal ay walang bisa mula sa simula pa lamang. Gayunpaman, kahit ito ay walang bisa, kailangan pa rin ninyong magsampa sa hukuman ng kaukulang petisyon upang ito ay madeklarang walang bisa ng hukuman, lalo na kung kayo ay may balak na magpakasal muli. Ayon sa batas, tanging ang hukuman lamang ang may kapangyarihang magdeklarang walang bisa ang isang kasal. Samakatuwid, kung kayo ay nagpakasal muli bago magkaroon ng deklarasyon ang hukuman na walang bisa ang inyong naunang kasal, wala ring bisa sa mata ng batas ang inyong sumunod na kasal (Art. 40, Family Code).
Sa pagkakataong ito, kailangan mo ng tulong at representasyon ng isang abogado na tutulong sa paggawa ng nasabing petisyon at upang kumatawan sa inyo sa mga pagdinig sa hukuman. Kinakailangan ding mapatunayan mo sa harap ng hukuman na ang lalaking inyong pinakasalan ay ang parehong lalaking dati nang nagpakasal sa ibang babae. Ito ay kinakailangan dahil gaya ng nabanggit ninyo sa iyong liham, iba ang pangalan na ginamit ng inyong asawa upang maikasal sa inyo. Kinakailangan mo ring magpresenta ng ebidensya sa harap ng hukuman na ang iyong asawa, bagama’t siya ay gumamit ng ibang pangalan sa kanyang pangalawang kasal ay nauna nang ikinasal sa ibang babae. Kapag ang mga ito ay inyong napatunayan sa hukuman, ang iyong kasal ay saka maidedeklarang walang bisa ng korte. At saka lamang kayo maaaring magpakasal muli.
Atorni First
By Atorni Acosta