Kasal sa diborsyada

Dear Atty. Acosta,

NOONG 2009 AY ikinasal po ako kay Inday. Ako po ang kanyang naging pangalawang asawa. Siya po ay unang ikinasal noong 1953. Noong 1980, nagdiborsyo po ang aking asawa at ang una niyang asawa sa Amerika. Ngunit hindi nakatala ang diborsyo nila sa NSO. May bisa po ba ang kasal namin ng aking asawa kahit na hindi pa nakarekord ang diborsyo niya sa kanyang asawa sa NSO? Masasabi po bang legal spouse ko si Inday? Sana po ay matulungan n’yo ako sa aking problema.

Antonio

Dear Antonio,

BAGO NAMIN SAGUTIN ang iyong katanungan, nararapat muna natin tingnan kung legal ang diborsyo ng iyong asawa sa kanyang unang asawa.

Ang paghihiwalay ng mag-asawang Pilipino sa pamamagitan ng “Absolute Divorce” ay hindi kinikilala ng Pilipinas. Pinahahalagahan ng  mga batas ng Pilipinas ang kasagraduhan ng isang kasal.

Dahil dito, tanging ang proseso ng annulment at declaration of nullity of marriage ang makakapagpawalang-bisa sa kasal ng mag-asawang Pilipino. Sa gayon ang diborsyo na iginawad sa mag-asawang Pilipino sa ibang bansa ay hindi tinatanggap ng Pilipinas kahit ito ay iginawad ng hukuman ng bansa kung saan ito ay may bisa.

Kung si Inday at ang kanyang asawa ay parehong Pilipino noong iginawad ng hukuman ng Amerika ang diborsyo nila, ang kasal nila ay may bisa pa. Sila ay masasabing legal na mag-asawa pa rin kahit na matagal na silang magkahiwalay. Samakatuwid, ang sumunod na kasal sa pagitan mo at ni Inday ay walang bisa at hindi maaaring ituring na legal spouse mo si Inday. Nararapat muna na ipawalang-bisa ni Inday ang una niyang kasal sa pamamagitan ng pagsampa ng Petition for Annulment of Marriage o Petition for Declaration of Nullity of Marriage.

Ngunit kapag si Inday o ang kanyang unang asawa ay isang banyaga, ang diborsyong iginawad sa kanila ng hukuman ng Amerika ay maaa-ring magpawalang-bisa sa kasal nila. Ang diborsyo, kung ito ay may bisa sa Amerika, ay magkakaroon din ng bisa rito sa Pilipinas. Kailangan nga lamang na ang banyagang asawa ang siyang nagsampa ng diborsyo para ito ay magkaroon ng bisa. (Alice Reyes Van Dorn v. Hon. Manuel V. Romillo, Jr., G. R. No. L-68470, 8 October 1985).

Ngunit, kapag ang Pilipinong asawa ang nagsampa ng diborsyo, ito ay hindi tatangapin at kikilalanin ng Pilipinas.

Kapag may bisa ang diborsyo, kinakailangan pang magsampa ng petisyon sa hukuman ng Pilipinas para makilala ito rito sa ating bansa. Ang pagkilala ng isang desisyon na iginawad ng hukuman sa ibang bansa ay tinatawag na Recognition of Foreign Judgment. Kapag may desisyon na ang ating hukuman na kinikilala ang desisyon tungkol sa diborsyo ng mag-asawa ay magbibigay ito ng kopya sa NSO. Ang NSO ang siyang magtatala ng utos ng diborsyo sa marriage certificate ng dating mag-asawa.

Ang “Public Atorni”, isang reality mediation coverage ng TV5, ay inyong mapapanood kada Huwebes ng gabi pagkatapos ng “Aksyon Journalismo”. 

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleSobrang garapal mangotong
Next articleAktres, nakararanas ng verbal abuse sa dyowang male TV host?!

No posts to display