Kasal sa Ibang Babae ang Mister

Kgg. na Atty. Acosta,

 

AKO PO ay 32 years old, may isang anak na 3 years old. Nakipaghiwalay po ang asawa ko noong January 24, 2010. Sa ngayon po ay nakatira siya sa bahay ng babae niya sa Laguna pero ang sabi niya ay mag-best friend lang daw sila. Nag-request po ako sa NSO ng CENOMAR at nalaman ko po na ikinasal na po pala siya noong 1994 sa ibang babae bago pa ako pinakasalan noong 2003. Sa madaling salita po invalid ang kasal namin. Maaari po ba akong mag-file ng case na bigamy laban sa kanya? Maaari rin po ba akong mag-file ng case sa kanya para sustentuhan niya po ang anak ko? Ano pa po ba ang maaari kong isampang kaso laban sa kanya?

Patricia

 

Dear Patricia,

 

MALIWANAG SA iyong paglalahad na ang iyong kasal sa iyong asawa ay walang-bisa. Ito ay dahil mayroon na siyang naunang kasal bago pa kayo magpakasal. Dahil dito, ang pangalawang pagpapakasal ng iyong asawa o ang kasal niya sa iyo ay walang-bisa. Ayon sa batas, ang isang kasal ay walang-bisa kung ito ay pangalawa o maraming beses nang pagpapakasal ng isa sa mga o parehong partido nito hanggang ang unang kasal nila ay may bisa pa. (Article 35 (4), Family Code of the Philippines)

Sa ganitong pagkakataon, maaari mong sampahan ng kasong kriminal ang iyong asawa dahil siya ay dalawang beses nagpakasal. Una noong 1994 sa isang babae at noong 2003 sa iyo. Ang kasong maaari mong isampa laban sa kanya ay ang kasong Bigamya o Bigamy alinsunod sa Artikulo 349 ng Revised Penal Code of the Philippines. Ang paglabag sa batas na ito ay mayroong kaparusahan na pagkakulong mula anim na taon at isang araw hanggang labing-dalawang taon.

Patungkol naman sa iyong katanungan kung maaari mong idemanda ang iyong asawa dahil sa pagpalya niyang magbigay ng suporta sa iyong anak, ito ay maaari mong gawin. Obligasyon ng isang ama ang magbigay ng suporta sa kanyang anak. Ito ay malinaw na ipinag-uutos ng batas. Napapaloob sa nasabing suporta ang pagbibigay sa mga pangunahing pangangailangan ng isang tao para mabuhay, tulad ng pagkain, tirahan, damit, gamot, edukasyon, transportasyon at iba pang pangunahing pangangailangan na hindi maaaring mawala para mabuhay. (Articles 194 and 195, Family Code of the Philippines)

Kung hindi tumupad ang iyong asawa sa obligasyon niya sa iyong anak, maaari kang magsampa ng “Petition for Support” laban sa kanya. Maaari mo rin siyang sampahan ng kasong kriminal sa paglabag sa R.A. 7610 o ang batas na naglalayong protektahan at isulong ang karapatan ng mga kabataan laban sa pang-aabuso, eksploytasyon at diskriminasyon. Ayon sa batas na ito, ang hindi pagbibigay ng suporta o sustento ng isang tao na may obligasyong magbigay nito ay isang uri ng pang-aabuso sa isang bata o menor-de-edad at kapag ito ay napatunayan, makukulong ang taong hindi nagbigay ng suporta. (Section 3 (3), RA 7610)

Dagdag pa rito, maaari ring maging paglabag sa Republic Act 9262 o ang “Anti-Violence against Women and Their Children Act of 2004” ang pagpigil o hindi pagbigay ng isang lalaki ng suporta sa kanyang mga anak at asawa o kinakasamang babae. Ito ay isang uri ng pang-aabuso sa mga kababaihan at kanilang mga anak, kung saan mahigpit itong ipinagbabawal ng nasabing batas. Ang mapatutunayang lumabag dito ay may kaukulan ding kaparusahan na pagkabilanggo.

Nawa ay natugunan ng opinyong ito ang iyong mga katanungan.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous article“Olivia, will you marry me?” Sino nga ba siya?
Next articleHindi Patas Na Laban

No posts to display